^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Ulo, gugulong din sa may gawa ng oil spill

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL â Ulo, gugulong din sa may gawa ng oil spill

HINDI lamang ulo ng mga nagpatakas kay Alice Guo at mga kasama ang gugulong, pati na rin sa mga may kagagawan ng nangyaring malawakang oil spill sa Limay, Bataan noong Hulyo 24 nang lumubog ang MT Terra Nova. Grabeng nakapinsala sa karagatan at kabuhayan ng mga mangingisda ang oil spill. Ito ang sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes nang mamudmod ng ayuda sa mga mangingisda sa Navotas na naapektuhan ng oil spill. Itinaon ang pami­migay ng ayuda sa bisperas ng kanyang kaarawan.

Sabi ng Presidente, mananagot ang mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa paglubog ng tanker na na­ganap habang nananalasa ang Bagyong Carina. Nakaabot na rin umano sa kaalaman ni Marcos na hindi rehistrado ang tanker. At ang pinakamabigat, ayon sa Presidente, isinasangkot ang Terra Nova sa oil smuggling. Ayon sa report, bukod sa Terra Nova, dalawa pang oil tankers ang isinasangkot sa oil smuggling.

Sa isang news forum kamakailan sa Quezon City, tinukoy ni Justice Undersecretary Raul Vasquez ang dalawang oil tankers na MT Jason Bradley at Mirola 1 na sangkot sa oil smuggling. Hindi umano rehistrado ang dalawang tankers at nakapagtataka kung bakit malayang nakapaglalayag ang mga ito na hindi nasi­sita ng nga awtoridad.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang pagsipsip­ ng langis sa lumubog na Terra Nova at malapit na uma­nong matapos ayon sa Philippine Coast Guard. Nasa 1.38 million liters ng langis na ang nasisipsip sa tanker. Patungong Iloilo ang Terra Nova nang lumubog sa baybayin ng Limay. Isa sa 17 tripulante nito ang namatay.

Agad naglagay ng mga organic spill boom ang PCG para harangin ang matatapong langis. Ayon sa PCG, hindi naman malubha ang oil spill na dulot ng Terra Nova.

Nararapat na may managot sa nangyaring oil spill. Kahit sinasabi ng PCG na hindi naman daw malubha, dapat ipagpatuloy ang imbestigasyon lalo pa’t lumalabas sa report na hindi mga rehistrado ang tankers at sangkot sa oil smuggling.

Dapat din namang paimbestigahan ni Marcos ang paglubog ng MT Princess Empress noong Pebrero 28, 2023, sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro kung saan natapon ang 800,000 litro ng langis. Grabeng naapektuhan ng oil spill ang maraming bayan sa Or. Mindoro. Tinatayang P41 bilyon ang pinsala ng oil spill sa probinsiya. Hanggang ngayon may tuma­tagas pang langis sa tanker.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi kargahan ng langis­ ang Princess Empress at ni-repair lamang sa isang shipyard sa Navotas. Sa kabila nito, binigyan ito ng permiso na makapaglayag sa kabila na hindi kargahan ng langis.

Dapat may gumulong din na ulo sa paglubog ng Princess Empress na dahilan nang malawakang oil spill.

OIL SPILL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with