APATNAPU’T ISA ang mga batas na nilabag ni Bamban Mayor Alice Guo. Batay ‘yan sa imbestigasyon ng Kongreso, Ombudsman, Office of the Solicitor General, Philippine Statistics Authority, at Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Marso 25 pa ni-raid ng PAOCC ang ilegal na POGO niya sa gilid ng munisipyo. Maraming ebidensya ng mga karumaldumal at walang piyansang krimen: human trafficking, abduction, serious illegal detention, torture, at pandarambong.
Anim na buwan na ang nakalipas. Pero hindi pa rin siya sinasakdal sa korte. Tantsa ng PAOCC, sa katapusan pa nitong Setyembre magsasampa ng kaso ang DOJ special panel of prosecutors.
Pinatitibay namin ang kaso, anang panel. Madaling sabihin ‘yan. Pero naiinip na ang madla.
Iniimbestigahan ng House Committee on Human Rights ang 7,000 extrajudicial killings ng drug suspects nu’ng 2016-2022. Ang mga testigo ay kamag-anak ng mga naipit lang sa crossfire – mga inosenteng bata o matuwid na mamamayan na binaril ng pulis.
Natatakot silang tumestigo o maghabla, ani Rep. Bienvenido Abante, chairman ng komite. Kasi nga naman nasa serbisyo pa ang mga pulis na pumatay; ‘yung ilan ay na-promote pa.
Hustisyang inantala ay hustisyang ipinagkait. Ku’ng mabagal ang gulong ng katarungan, mas lumalalim ang sugat ng mga biktima.
Ihalimbawa ang sigalot sa Pilipinas. Tatlumput walong taon na mula nu’ng isiniwalat na $5 bilyon-$10 bilyon ang dinambong ng pamilya Marcos. Hindi pa rin nareresolba lahat ng kaso. Marami pang nakabinbin sa Sandiganbayan at Korte Suprema. Ni isang segundo ay hindi nakulong ang Marcoses.
Masaklap na aral: mas malala ang krimen, mas malaki ang ganansya. Mas kayang bilhin ang hustisya.