EDITORYAL — May gugulong pa bang ulo?
IPINANGAKO noon ni President Ferdinand Marcos Jr. na may gugulong na ulo sa pagtakas ni dating Bamban Tarlac Mayor Alice Guo. Hindi lang daw basta sisibakin kundi kakasuhan pa ang mga nagpatakas kay Guo. Kamakalawa, sinibak ng Presidente si Bureau of Immigration chief Norman Tansingco. Siya ang unang “nakatikim” ng tabak ni Marcos. Si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang nagrekomenda para masibak si Tansingco.
Nakatakas si Guo at mga kasama na walang kahirap-hirap noong Hulyo 18. Nakarating sila sa Malaysia, Singapore at Indonesia. Ayon kay Guo at sa kapatid na si Shiela, sumakay sila ng yate at lumipat sa mas malaking barko at nagbiyahe ng apat na araw hanggang makarating sa Malaysia. Naaresto sina Shiela at Cassandra Li Ong noong Agosto 20 sa Indonesia samantalang naaresto si Alice Guo noong Setyembre 5 sa bahay ng isang monk sa Indonesia. Sinundo siya nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP chief Rommel Marbil noong Setyembre 6. Nasa kustodiya ng PNP si Guo.
Sino pa ang susunod na gugulong ang ulo? Tiyak na hindi lamang Immigration ang may kagagawan sa pagtakas nina Guo. Kung sumakay sila sa speedboat at sa isang barko, bakit hindi sila natunugan o namataan kaya ng Philippine Coast Guard (PCG). At ganundin naman ang PNP. Dapat may pananagutan ang mga nabanggit sa paglabas ng bansa ni Guo. Ano ang pakinabang ng intelligence fund ng mga nabanggit na tanggapan at hindi naramdaman ang pagtakas ng dating mayor at mga kasama na iniimbestigahan ng Senado.
Pero sa lahat ng mga ahensiya, ang Immigration ang may mabigat na pananagutan. Ayon kay Secretary Remulla, matagal na niyang pinaalalahanan si Tansingco sa mga nangyayaring katiwalian sa tanggapan nito. Pero hindi raw nakikinig si Tansingco. Noon pa, talamak na ang korapsiyon sa Immigration. Maraming opisyal at personnel ng tanggapang ito ang sangkot sa “pastillas scam”. Dahil sa mga korap na opisyal kaya maraming Chinese national ang nakapasok nang walang kahirap-hirap sa bansa para magtrabaho sa mga POGO. Malaking pera ang isinusuhol sa mga korap na Immigration official.
Kung gaano kabilis na nakakapasok sa bansa ang mga dayuhan, ganundin sila kabilis na nakalalabas ng bansa. Basta may pera ang dayuhan walang problema sa mga korap na taga-Immigration—maari silang maglabas-masok sa bansa.
At ganito ang nangyari kay Alice Guo at mga kasama. Nakalabas sila ng bansa na “hindi namalayan” ng Immigration. Ngayong may gumulong na ulo sa nasabing tanggapan, sino pa ang susunod. At kakasuhan ba ang dating Immigration chief.
- Latest