Pananakit ng ulo

KADALASANG ikinukunsulta ng pasyente sa doktor ay pananakit ng ulo. Ang iba ay natatakot na baka kung ano na ang dahilan nito. Hindi dapat mangamba sapagkat karamihan ng sakit ng ulo ay hindi naman delikado.

Una, kung ang sakit ng ulo ay nangyayari habang nagbabasa ng diyaryo o pagtatrabaho sa harap ng computer, malamang may diperensiya ang mga mata. Magpatingin sa optometrist o ophthalmologist.

Pangalawa, kung labas-masok ka sa malamig at mainit na lugar, puwede ring sumakit ang ulo. Hindi ito masama. Naninibago lang ang mga ugat sa ulo dahil sa pagbabago ng panahon.

Pangatlo, kung ang sakit ng ulo ay gumiginhawa sa pagmamasahe ni Misis, malamang ay stress o tensiyon lang iyan. Naninikip kasi ang mga muscles ng ulo natin kapag nai-stress. Ang ibig sabihin ay marami kang iniisip, maraming problema at kulang sa budget, kaya sasakit talaga ang ulo.

Ang mga nabanggit kong dahilan ng sakit ng ulo, mula sa mata, sa pagbago ng panahon at sa stress ay puwede nang hindi ipa-check sa doktor.

Kailan dapat kumunsulta sa doktor:

1. Ang migraine ay isa ring pangkaraniwang dahilan ng sakit ng ulo. Malalaman mo na migraine iyan dahil kalahati lang ng ulo ang sumasakit.

2. Ang sinusitis ay mula sa impeksiyon at may kasamang sipon.

3. Kapag matindi ang sakit ng ulo, kung may kasamang lagnat, pagsusuka o panghihina, isangguni na sa doktor. Kunin din ang blood pressure. Kapag mataas sa 140/90, posible rin na altapresyon ang dahilan ng pagsakit ng ulo.

4. Ang mga sakit na binabantayan ng doktor ay ang stroke, brain aneurysm at brain tumor. Ang sintomas nito ay ang sakit ng ulo, panghihina o pamamanhid ng katawan.

Show comments