NAGWAKAS ang pagtakas ng sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo noong Huwebes makaraang mahuli ng Indonesian police sa Jakarta. Nahuli si Guo sa bahay umano ng isang monk. Pero bago iyon, marami na umanong pinagtaguan si Guo sa tulong na rin ng mga Chinese at Indonesian. May mga tao umanong nagpuprotekta kay Guo. Pero sadyang mahusay ang Indonesian police at naamoy ang pinagtataguan ni Guo. Nasorpresa si Guo nang dakmain ng mga pulis.
Nang pumutok ang balita na naaresto na si Guo, agad namang nagtungo sa Indonesia sina DILG Sec. Benhur Abalos, PNP chief Rommel Marbil at mga agents ng National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration. Sumakay sila sa isang private plane na ayon kay Abalos ay pinahiram ng kaibigan. Hindi raw gumastos ang gobyerno sa eroplano.
Agad pinrisinta ng Indonesian police si Guo kina Abalos at Marbil. Nakaharap nina Abalos at Marbil si Guo na nakangiti pa nang kamayan ng dalawang government offiicials. Sabi ni Guo kay Abalos, gusto na raw talaga niyang sumuko dahil may mga banta sa kanyang buhay. Magpapatulong daw siya kay Abalos. Hindi naman sinabi ni Guo kung sino ang nagbabanta sa kanya. Ang nakapagtataka, sa halip na matakot sa banta, nakangiti pa rin si Guo. Sabi naman ni Abalos, basta sabihin lang ni Guo ang lahat ng mga nalalaman nito.
Okey na ang lahat. Nagawa na nina Abalos at Marbil at ng kanilang mga kasama ang trabaho. Aprub ang ginawa nilang pagsundo sa kontrobersiyal na dating mayor. Pero ang magandang ginawa nina Abalos at mga kasama ay biglang nabahiran ng “dumi” makaraan ang mga nangyaring selfies kay Guo. Kumalat ang mga larawan na nakipag-selfie sina Abalos at Marbil sa nakatawa at masayahing si Guo. Pati ang mga ahente ng NBI at Immigration ay nakipag-selfie at abot taynga ang kanilang mga ngiti na parang reunion ang nangyari.
Binatikos ang mga larawan. Humingi ng paumanhin ang PNP at NBI sa nangyari samantalang ang Immigration ay hindi. Sinabi naman ni Abalos na hindi niya alam ang ekspresyon ng mukha ni Guo habang kinukunan ng picture.
Sabi naman ni President Ferdinand Marcos Jr., wala siyang nakikitang masama sa pagpapakuha ng larawan ng ilang opisyal at mga empleyado ng gobyerno kay Guo. Bahagi raw ng bagong kultura at saka ang Pilipinas daw ay selfie capital of the world.
Nahaharap si Guo sa maraming kaso na kinabibilangan ng money laundering, human trafficking, tax evasion at iba pa na may katumbas na mahabang pagkakakulong. Tumakas siya sa bansa. Hindi magandang tingnan na magpa-selfie sa isang tinutugis ng batas.