^

PSN Opinyon

100 Pinay sa South Korea: Caregiver o domestic helper?

PINOY OVERSEAS - Ramon Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Inasahan nang nagsimula nitong nagdaang Setyembre 3, 2024 ang pagtatrabaho ng may 100 Pilipina bilang mga caregiver sa iba’t ibang mga bahay sa South Korea. Dumating ang mga Pinay na ito sa naturang bansa noong mga unang linggo ng nagdaang buwan ng Agosto at dumaan muna sila sa mga kaukulang pagsasanay o oryentasyon  bago ilarga sa kanilang mga trabaho. Nagkakaedad sila nang mula 20 hanggang 30 taong gulang.

Ang pagdayo nila sa South Korea ay alinsunod sa isang programa ng pamahalang Koreano na nagpapahintulot sa mga overseas Filipino worker na magtrabaho bilang domestic worker/caregiver sa naturang bansa sa pakikipag-ugnayan ng pamahalan ng Pilipinas.  Layunin ng programa na maglaan ng caregiving assistance sa mga pamilyang Koreano na merong anak na sanggol o maliliit na bata, buntis na babae, single parents o mag-asawang kapwa nagtatrabaho.

Batay sa mga deklarasyon ng mga tanggapan ng pamahalaang Pilipino tulad ng  Department of Migrant Workers at ng Department of Foreign Affairs, magtatrabaho bilang caregiver ang naturang 100 Pilipina pero iba naman ang pananaw ng mga Koreano. Ilan sa 100 Pilipinang nakapanayam ng media sa South Korea ang nagsasabing magtatrabaho sila bilang caregiver at hindi domestic helper.  Maaari silang tumulong sa mga gawaing-bahay pero kunektado lang ito dapat sa pag-aalaga nila ng mga bata, ng mga buntis at matatanda tulad ng paglalaba, pagluluto at paglilinis kung kailangan.

Pero kung pagbabatayan ang mga ulat ng media sa South Korea tulad sa South China Morning Post, Korea Times at Straits Times, iba ang inaasahan ng mga Koreano. Hindi lang sila caregiver. Sa tradisyon ng mga Koreano, kabilang sa maraming trabaho ng domestic worker ang pag-aalaga ng mga bata habang nagluluto ng pagkain ng ibang miyembro ng pamilya o paglilinis ng bahay. Kinakabahan ang ilang sektor na maaaring magkaproblema rito dahil maaaring ipatrabaho sa mga Pinay caregiver ang trabaho ng isang domestic helper, tulad ng maaaring pagtanggi ng caregiver sa trabahong hindi niya dapat trabaho.

Sabi nga ng Migrant Forum in Asia, dapat merong mga kaukulang paglilinaw sa programa. Pinatutungkulan nito pareho ang mga salitang  “caregiver” at  “domestic worker” na nagdudulot ng mga kalituhan at maaaring magkaroon ng maling interpretasyon sa  mga papel at responsibilidad ng mga OFW. Ba-tay sa programa, ang magiging trabaho ng mga domestic worker na Pilipina ay paglilinis, pagluluto, paglalaba, pag-aalaga sa mga bata at matatanda, at pagtulong sa mga buntis na babae.

Pero maaari silang utusan ng kanilang amo sa trabahong iba sa kanilang inaasahan.  Ang kawalan ng paglilinaw ay maaaring mauwi sa pagsasamantala at kulang na pagpapasuweldo sa mga OFW. Pero me-rong ulat na kabilang ang usaping ito sa sini-sikap linawin ng mga kinauukulang awtoridad sa Korea.

Matagal nang may mga OFW sa South Korea. Karaniwang nagtatrabaho sila sa mga pabrika o ibang mga kumpanya roon. Merong nasa entertainment industry.

Ngayon lang nagsimulang tuluyang  tumanggap ng mga dayuhang domestic worker ang pamahalaang Koreano dahil ang marami nilang mamamayan ang walang makuhang tagaalaga ng maliliit na anak at ng mga matatanda.

Wala namang masamang rekord ang South Korea kaugnayan sa mga domestic helper.

Hindi tulad sa ilang bansang Arabo sa Middle East na tila naging ordinaryo na lang ang mga kaso ng mga Filipino domestic worker na napapagsamantalahan, hindi pinapasahod, ginugutom, naaabuso, minamaltrato, sinasaktan at meron pang napapatay.

Kontrobersiyal din sa South Korea ang sahod na matatanggap ng naturang 100 Filipino caregiver.

Batay sa minimum wage (9,860 won  o  US$7.23) na itinakda ng pamahalaang Koreano, ang bawat Pilipinang ito ay maaaring kumita ng mahigit 2.38 million won (US$1,500) kada buwan para sa 52-hour work week kasama na ang mga benepisyong tulad ng state insurance policies at healthcare.

Ayon sa naglabasang mga ulat, mas mataas ito kumpara sa sahod na tinatanggap ng mga domestic worker sa Singapore o Hong Kong na ang buwanang sahod ay mula 500,000 won hanggang 800,000 won.

Masasabing mas mataas magpasahod sa domestic worker ang South Korea kumpara sa ibang bansa sa Asia.

Mas mataas ito sa minimum na 200,000 yen ($1,790) na buwanang  sahod ng mga dayuhang domestic worker sa Japan at apat na ulit na mas mataas sa pinapasahod ng Malaysia sa mga banyagang domestic helper dito.

May mga koreano na inirereklamo ang itinakdang minimum wage sa mga Filipina caregiver dahil halos kalahati ito ng kanilang mga suweldo.

Nabatid din na ang ipinadalang 100 Filipino caregiver ay magtatrabaho sa mga lugar na ang mga residente ay may kaya sa buhay o mayayaman.

Maaari ngang tiniyak ng pamahalaan ng Pilipinas na magiging protektado ang karapatan ng 100 Filipina caregiver na ipinadala sa South Korea pero tila hindi naman inalam kung paano haharapin ang magiging reaksyon dito ng mga mamamayang Koreano.

Pamahalaang Koreano lang naman ang kinausap ng pamahalaang Pilipino, hindi ang mga mamamayang Koreano.

Anim na buwan ang kontrata ng naturang 100 Filipina caregiver pero maaaring mapalawig ito sa susunod na taon at madagdagan pa ang kanilang suweldo.

Sana nga walang masamang mangyari at sa halip,  gumanda ang kanilang buhay at ng kanilang pamilya na naiwan nila sa Pilipinas.

Matulad sana ang South Korea sa Hong Kong at Singapore na naging paborableng destinasyon ng mga Filipina domestic worker.

* * * * * * *  * * *

Email- [email protected]

OFW

WORKER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with