Naaresto ng Indonesian police si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, tatlong linggo makaraang madakip sina Shiela Guo at Cassandra Li Ong. Nagpasalamat si President Ferdinand Marcos Jr. sa Indonesian police sa mabilis na pagkakahuli kay Guo.
Muli namang inulit ni PBBM ang pangako na hindi lamang masisibak kundi kakasuhan pa ang mga taong tumulong para makatakas sina Guo. Nakatakas sina Guo noong Hulyo 18 na hindi man lang natunugan ng Bureau of Immigration, DILG, PNP, Coast Guard, at NBI. Natakasan sila sa kabila na malaki ang kanilang pondo para sa intelligence.
Hindi makakalabas nang basta-basta sa bansa ang sinuman kung walang tumulong kapalit nang malaking halaga ng pera. Malaki ang aking paniwala na naglatag nang malaking pera sina Guo sa mga korap na opisyal ng pamahalaan para makatakas. Kinaugalian na ng mga korap na opisyales ng pamahalaan na magkamal ng salapi mula sa mga illegal na transaksiyon.
Tiyak na gigilingin at pipigain ng mga senador si Guo para sabihin nito kung sino ang mga tumulong para sila makatakas. Aywan ko lang kung sabihin ito ni Guo dahil noon pa, sinasabi nito na wala siyang matandaan. Pero sabi ni Sen. Risa Hontiveros, hindi niya tatantanan ang mga taong tumulong kay Guo para makatakas.
Samantala, kung si Alice Guo ay naaresto na, si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy ay hindi pa. Halos dalawang linggo na siyang hinahanap ni PRO 11 director BGen. Nicolas Torre III pero wala pa ring makita. Mahigit 2,000 pulis ang nasa KOJC compound pero hindi makita ang pastor na ayon kay Torre ay nasa bunker. Sa halip na si Quiboloy ang makita sa bunker ay pawang menor-de-edad na babae ang naroon. Wala ni anino ng pastor.
Todo naman ang pagbabantay ng mga tagasunod ni Quiboloy habang ginagalugad ng mga pulis ang 30 ektaryang compound. Sabi ni General Torre, hindi sila aalis hangga’t hindi nakikita at naiisilbi ang warrant of arrest kay Quiboloy. Maraming kasong kinakaharap si Quiboloy at apat na iba pa na kinabibilangan ng sexual abuse at human trafficking. Mayroon din siyang kaso sa U.S.