Hindi makapaniwala ang isang 31-anyos na misis sa Japan nang matuklasan na mister pala niya ang “stalker” na paulit-ulit na tumatawag sa kanya nang hindi nagpapakilala!
Noong nakaraang Hulyo 10, nagsimulang makatanggap ng misteryosong anonymous call ang isang hindi pinangalanang misis sa Hyogo Prefecture. Sa tuwing sasagutin niya ang tawag, hindi magsasalita ang nasa kabilang linya at paghinga lang ang naririnig niya mula rito.
Matatapos lamang ang bawat tawag kapag ang misis ang nagbaba ng telepono. Upang hindi na ito maulit, sinubukan ng misis na i-block ang tumawag sa kanya pero ang number na lumalabas lang sa kanyang caller ID ay “unknown’ kaya hindi niya ito ma-block.
Sa sumunod na mga araw, patuloy ang pagtawag ng stalker at umabot pa sa mahigit 100 calls ang nagagawa nito sa isang araw. Dahil sa paulit-ulit na pagtawag, may napansin na kahina-hinalang pattern ang misis sa oras ng pagtawag ng stalker.
Napansin niya na hindi ito tumatawag sa oras na tulog sila ng kanyang mister at hindi rin ito tumatawag sa tuwing siya ay naglalaro ng mobile games gamit ang cell phone ng kanyang mister.
Dahil dito, nagkaroon siya ng kutob kung sino ang stalker pero minabuti niyang ipaubaya na lang sa mga pulis ang pag-iimbestiga tungkol dito.
Sa Japan ay may batas na tinatawag na “Anti-Stalking Act” na ipinatupad noong 2000. Ito ay naglalayong protektahan ang mga biktima mula sa iba’t ibang anyo ng stalking o pangungulit na nagdudulot ng takot at panganib.
Ilan sa uri ng stalking ay: Walang tigil na pagtawag, pagte-text, o pagpapadala ng email, paulit-ulit na pag-aabang o pagsunod sa biktima at hindi kanais-nais na pagpapadala ng mga regalo o mensahe.
Nito lamang Setyembre 4, na-trace na ng mga awtoridad kung sino ang stalker ng misis at ito ay ang 38-anyos na mister nito. Napag-alaman na gumamit ng configuration ang mister sa kanyang cell phone para hindi lumabas ang number niya sa caller ID ng kanyang mga tinatawagan.
Matapos arestuhin, tinanong ng mga pulis ang mister kung bakit niya ito ginawa at sinabi nito na sobrang mahal niya ang kanyang misis gusto lang niya itong tawagan nang hindi siya nagsasalita.
Ayon sa mga pulis na humahawak sa kasong ito, ito ang isa sa pinaka-weird na stalking case na nahawakan nila dahil magkasama naman sa bahay ang mag-asawa at wala naman silang marital problems para humantong ang mister sa pag-stalk sa kanyang misis.
Sa kasalukuyan, wala pang balita kung ipagpapatuloy ng misis ang pagsampa ng kaso sa kanyang mister.