Tinatayang 17 percent ng mga pasyente ay may varicose veins. Karamihan, namana ito sa mga magulang.
Narito ang mga dapat gawin upang hindi magka-varicose veins:
1. Itaas ang kamay o paa – Ang sanhi ng varicose veins ay ang pagluwag ng mga ugat. Kapag laging nakababa ang paa, mag-iipon dito ang dugo at mamamaga ang ugat. Kaya umupo at ipatong ang paa sa isang silya o kutson. Ipatong din ang kamay sa isang unan at itaas ng ilang ulit sa isang araw.
2. Magsuot ng support stockings o masikip na medyas – Mabibili ito sa mga SM department store o medical store. Ayon kay Dr. Katty Go, ang support stockings o compression stockings ang pinakamabisang lunas sa varicose veins. Gamitin palagi.
3. Huwag tumayo ng ilang oras – Kung ang trabaho ay security guard, pulis o saleslady, puwedeng magka-varicose veins. Galaw-galawin ang mga paa habang nakatayo. Parang nag-e-exercise para umakyat ang dugo mula sa paa pabalik sa puso. Kung puwedeng umupo ay mas mainam. Mag-stockings o magmedyas nang masikip!
4. Itaas ang paa habang natutulog – Ipatong ang mga paa sa isang unan para mabawasan ang pag-iipon ng dugo rito.
5. Huwag magsuot ng masikip na pantalon – Kapag masikip ang pants o maong, puwedeng maipit ang ugat sa paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip para makadaloy ang dugo sa mga ugat.
6. Kumain ng mga gulay na mataas sa fiber tulad ng patola, pechay, okra, at kangkong. Ang prutas tulad ng papaya at pinya ay may fiber din. Sa tulong nito, magiging regular ang iyong pagdumi. Kapag malambot ang inyong dumi, makaiiwas sa varicose veins at sa almoranas din.