NAGPATULOY ang paglagay sa peligro ng Chinese Coast Guard (CCG) sa ating barko sa karagatan. Paulit-ulit na sadyang hinarang at binangga ng CCG 5205 ang BRP Teresa Magbanua noong Sabado. Ang Teresa Magbanua ay nasa Escoda o Sabina Shoal magmula Abril 15.
Nang magtaas ng angkla para lumayag sa lugar, pinaligiran ito kaagad ng hindi kukulang sa labing-isang barko ng China. Pito ay milotia, dalawang tugboat at dalawang barko ng CCG. Pero bigla na lang may pangatlong barko ng CCG na siyang binangga ang Magbanua ng tatlong beses. Kitang-kita sa video na ang CCG 5205 ang lumapit sa Magbanua para banggain ito.
Kaya walang katotohanan ang pahayag ng Beijing na ang barko natin ang nanggugulo sa Escoda. Ang Escoda Shoal ay isangdaan apatnapung kilometro lang ang layo sa Palawan kaya ito’y nasa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ) kung saan may karapatan tayo.
Hindi natin kailangang magpaalam kahit kanino. Nagpahayag ng pagkondena si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson at sinabing may karapatan ang barko ng Pilipinas na manatili sa loob ng kanilang EEZ.
Hindi titigil ang China sa mga ginagawa sa ating mga barko sa karagatan. Kahit magsabi pa sila na pag-usapan ang isyu sa West Philippine Sea, sigurado ang utos sa kanilang mga barko at sa CCG na ipagpatuloy ang harassment pati na ang pagbangga.
Mas malalaki ang barko ng CCG kumpara sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG). Kaya baka hindi magtagal ay magtamo ng malaking danyos ang ating mga barko kung saan malalagay na sa peligro ang buhay ng ating mga tauhan.
Mabuti at kasangga natin ang U.S. sa isyu na ito, pero baka kailangang pag-aralan ang Mutual Defense Treaty (MDT) at isama na ang ginagawang harassment sa ating mga barko. Iginiit ng ating mga opisyal na hindi unang magpapaputok ang Pilipinas.
Pero sa tingin ko kaya sadyang binabangga ng CCG ang mga barko natin ay upang pukawin ang mga tauhan para sila ang unang magpaputok, kung saan magbibigay dahilan sa China para bumawi.
Kaya kawawa ang ating mga tauhan sa mga barko ng PCG o kung ano pang barko dahil tinitiis na lang ang pangwawalanghiya ng China. Kinakagat na lang mga dila nila habang kinukunan ng video ang pagbabangga sa kanila. Tama naman at kailangang matatag ang ating katayuan sa karagatan. Hindi nga tayo bumabawi, pero hindi rin tayo titiklop sa pangbu-bully ng China.