MARAMING nagulat sa sinabi ni “drug lord terminator” police Lt. Col. Jovie Espenido nang humarap sa Quad Commission ng House of Representatives noong nakaraang linggo. Sinabi niyang ang Philippine National Police (PNP) ang pinakamalaking crime syndicate sa bansa.
Malaking dagok ito sa imahe ng PNP at malaking kasiraan sa administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr. Si Espenido ay mabalasik na police officer sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte.
Si Espenido ang hepe ng pulisya ng Albuera, Leyte nang mapatay si dating Mayor Espinosa sa loob ng kulungan.
Subalit nagbago na ang inog ng buhay ni Espenido dahil maging si dating PNP chief at ngayo’y senador Ronald “Bato” dela Rosa ay idinawit niya sa malaganap na patayan sa drug campaign ni Duterte.
May maniwala pa kaya kay Espenido? Palagay ko wala. Mukhang may bahid pulitika na naman ang nakikita ng mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte. Ang home town kasi ni Espenido ay Leyte na nasasakop naman ni House Speaker Martin Romualdez.
Sa kabila naman ng mga siniwalat ni Espenido, walang puknat ang operasyon ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) laban sa drug pushers. Ayon kay PDEG director BGen. Eleazar Matta, tinututukan nila ngayon ang mga malalaking sindikato ng droga sa bansa.