Sinakdal ng bribery sa U.S. si ex-Comelec chairman Andres Bautista. Humihingi siya ng political asylum doon. Pero natiklo ng FBI na tumanggap siya ng suhol, di bababa sa $1 milyon, mula sa Smartmatic.
Sinakdal din sina Smartmatic cofounder-president Roger Alejandro Pinate Martinez, at executives Jorge Miguel Velasquez at Elie Moreno. Lahing Venezuelan ang tatlo; nakakuha na ng ibang passport at nakatira sa Florida at Europe.
Nagdeposito sila ng pera sa tatlong bangko sa U.S., Europe at Asia. Sakdal: bribery, Foreign Corrupt Practices Act, mail fraud, at money laundering. Minahalan nila ang presyo ng Smartmatic contract para sa Halalan 2016, para ikarga ang $1-milyong kickback.
Rason ito para i-blacklist ang Smartmatic sa Pilipinas.Samantala sa Manila, inakusahan ni Rodante Marcoleta si kasalukuyang Comelec chairman George Garcia ng pagtanggap ng suhol. Halaga: P1 bilyon ($20 milyon). Dinepositohan umano ng Miru Systems of South Korea ang sampung bank accounts sa Cayman Islands. Tax haven sa Bermudas ng mga pandaigdigang kriminal ang kapuluan.
Ito umano ang dahilan sa dali-daling pagkontrata ng Comelec sa Miru bilang electronim systems provider sa Halalan 2025.
Bilang tugon, nag-waive si Garcia ng bank secrecy sa anim na deposito sa Pilipinas. Pero ang dokumentos ni Marcoleta ay Cayman. Dineposituhan daw niya ang mga bangko doon na tig-$100, at humingi ng resibo. Lumitaw umano ang pangalang “George Garcia”.
Heto ang sisti. Nais ni Marcoleta na ibasura ang Miru contract. Gamitin na lang daw muli ang 107,345 vote counting machines ng Smartmatic. Ibig sabihin, kontratahin muli ang nanuhol kay Bautista.
Kalokohan! Dapat hybrid system na lang. Automated transmission at canvassing pero manual voting at counting sa presinto.