Ano nga ba itong nagba-viral na bagong kataga na “shimenet?” Ako mismo ay napakamot-ulo sa kumalat na word na ito. Shimenet? Tiningnan ko pa nga sa Google at baka ito ay lehitimong katagal, wala!
Pangutya pala ito kay Vice President Sara Duterte nang gisahin siya sa Kamara de Representante sa kanyang budget sa Office of the Vice President (OVP) at ayaw niyang sumagot nang diretso.
Nang usisain, ang sabi niya: “shimenet like the answer to the question” na ang ibig niyang sabihin “she may not”. Talagang mapambuska lang ang mga netizens at madali at mabilis pumikap ng mga salitang ipambubuska sa taong ibig alaskahin.
Sa akin ay cheap humor iyan dahil hindi na sumasaklaw sa diwa ng isyung pinagtatalunan. Ano’ng issue ba ito? Ito ay ang question ni Rep. Bienvenido Abante na may karapatan ba ang Kongreso na usisain ang nauukol sa budget proposal ng mga ahensya ng pamahalaan?
“Yes or no” lang naman ang sagot dito pero maligoy ang mga tugon ni VP na may malinaw na pagpapahiwatig ng pagkaasar sa katanungan. Defensive agad dahil sa paniwala niya ay tutumbukin ang kontrobersyal na usapin sa kanyang confidential fund.”
Kahit mali-mali pa ang grammar at bigkas ni Sara, wala akong paki! Dapat lang ay sumagot siya sa mga tanong lalo na ang mga may kinalaman sa pambansang budget na dapat ipaliwanag ni Sara. Salapi ng taumbayan iyan! Pero nakita ko ang pagkabutangera at arogansiya ng isang taong peligroso kung maupo sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan.