EDITORYAL — Pakikisimpatya ng Japan sa Pinas sa ginagawa ng China
Nakikita na ngayon kung sino talaga ang kaibigan ng Pilipinas sa panahon nang panggigipit na ginagawa ng China. Ang Japan ang unang umalma sa pinakabagong insidente ng pambabangga na ginawa ng China Coast Guard vessels sa dalawang Philippine Coast Guard (PCG) noong Lunes sa Escoda Shoal. Dahil sa pagbangga, nawasak ang tagiliran ng BRP Engaño at BRP Cabra na magsasagawa ng resupply mission sa BRP Teresa Magbanua na nagbabantay sa Escoda o Sabina Shoal.
Sinabi ni Japanese ambassador to the Philippines Kazuya Endo sa kanyang remarks na ang ginawa ng CCG sa Philippine vessels ay isa na namang hindi katanggap-tanggap na pangyayari sa paligid ng Sabina Shoal. Ang remarks ni Endo ay hindi nagustuhan ng Chinese embassy at sinabing iresponsable. Ayon pa sa spokesperson ng Chinese embassy, hindi raw naiintindihan ni Endo ang mga nangyayari at nagbibigay agad ito ng pahayag. Maraming beses na raw nagkokomento ang Japanese envoy subalit hindi naman nito nalalaman ang tunay na nangyayari at hindi rin naman daw ito arbitrator o ano pa man.
Ayon pa sa spokesperson, dapat daw malaman ng Japanese ambassador ang kasaysayan at mag-reflect ito sa kanyang mga sinasabi para hindi maging ugat ng mga kaguluhan sa rehiyon.
Wala pang sagot ang Japanese embassy sa mga sinabi ng Chinese embassy. Pero anuman ang sabihin ng China na may kaugnayan sa isyu, nakikisimpatya lamang ang Japan sa marahas na aksiyon ng CCG sa PCG vessels. Nakita marahil ng Japanese ambassador ang video na hinabol at pinaligiran ng CCG vessels ang barko ng PCG at saka binangga.
Ang pagbangga ay naganap isang araw makaraang banggain din ng CCG ang barko ng Bureau of Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Sanday sa Escoda Shoal. Nabutas ang tagilirang bahagi ng barko. Bukod sa pagbangga, binomba pa ng tubig ang Datu Sanday na maghahatid sana ng tulong sa mga mangingisda.
Ang pangyayari noong Lunes ay matindi sapagkat pinaligiran ng anim na CCG vessels ang dalawang PCG vessels at saka binangga. Nasira ang tagiliran ng dalawang barko at may mga nasirang equipment sa lakas ng impact.
Patungong Escoda Shoal ang BRP Engaño at BRP Cabra para sa resupply mission sa BRP Teresa Magbanua. Biglang naglitawan ang CCG vessels at mga barko ng People’s Liberation Army and Navy at pinaligiran ang dalawang barko ng PCG. Hindi tinantanan ang dalawang PCG vessels at nang maabot ay binangga.
Mabuti pa ang Japanese ambassador at kinokondena ang ginagawa ng China, samantalang may mga opisyal ang Pilipinas na walang kakibu-kibo sa pangha-harass na nagaganap. Nakita ang pagmamalasakit ng Japan na nagpapatunay ng pagiging tunay na kaibigan.
- Latest