Absent sa hearing aktibo sa kampanya
Ilang beses ipinatawag ng Kamara para tumestigo si Rose Lin tungkol sa illegal POGO at shabu trade, pero no show talaga!
Pero aktibung-aktibo siya sa maagang pangangampanya. Si Rose Lin ay nadawit rin sa anomalya sa Pharmally nung panahon ni ex-President Digong sa kasagsagan ng COVID 19 pandemic. Nakita raw si Lin nung nakaraang araw sa Solaire North kasama ang mga supporter na nagha-happy-happy sa food court ng naturang hotel.
Kasama umano niya ay incumbent barangay officials ng Quezon City at mga pulitiko ng lungsod. Aba, tuloy pala ang plano ni Lin na tumakbong kongresista sa eleksiyon sa papasok na taon. Dinig na dinig ito ng aking source dahil napakaingay ng grupo. Wow!
Nakapag-organize na rin daw siya ng meeting sa mga pinuno ng iba’t ibang sektor ngayong Setyembre sa Poblacion Uno sa San Jose del Monte, Bulacan.
Balak daw niyang pulungin ang mga taga-academe, senior citizens, youth sector, LGBT, transport sektor partikular na ang TODA, grupo ng kababaihan, riders, urban poor at labor sector.
Hindi ko malimutan ang vote-buying issue laban kay Rose Lin nang tumakbo sa District 5, Quezon City noong 2022 bilang representative.
Karapatan niyang tumakbo pero pakasuriin sana ang record. Sangkatutak ang mga kaso niya kabilang ang 237 counts of vote-buying case na isinampa ng grupo ng isang Ted “Bong” Lazaro. May mga ebidensiyang mga larawan ng aktuwal na pagkuha ng pera ng mga tinangkang bilhan ng boto pero pinalalabas umano ng kampo ni Lin na ayuda o scholarship daw ito. Grabe!
Tuloy ang imbestigasyon ng Kongreso sa illegal drug trade at kaliwa’t kanang krimen ng POGO kasama na ang mga itinuturong nasa likod ng mga ito na sina Lin at Michael Yang. May arrest order na laban kay Yang at niluluto ang petisyon para ma-contempt si Rose Lin kung patuloy nitong iisnabin ang Kongreso.
- Latest