Mayor Baldo ng Daraga, Albay, natiklo ng CIDG!
Masayang namumudmod ng aginaldo si Rep. Rodel Batocabe ng Ako Bicol partylist, sa senior citizens sa kanilang Christmas party noong Disyembre 2018 sa Daraga, Albay.
Hindi akalain ni Batocabe na iyon na ang huling yugto ng kanyang buhay. Kasi nga si Batocabe ay pinaulanan ng bala ng limang kalalakihan at nakitil ang kanyang buhay, kasama ang kanyang police escort na si S/MSgt. Orlando Diaz.
Kahit naging matagal ang pag-ikot ng kaso, nagkakaroon ng hustisya ang pagkamatay ni Batocabe at Diaz matapos maaresto ng mga tauhan ni CIDG director Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco si Daraga Albay Mayor Carlwyn Baldo nitong Agosto 27.
Itinuturo ni Francisco si Baldo na mastermind sa pagpaslang kina Batocabe at Diaz. Dipugaaa! Madugo talaga ang pulitika sa Pinas, ‘no mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Naghihimas na ng rehas na bakal si Baldo habang dinidinig ang two counts ng murder cases sa sala ni Judge Acerey Pacheco ng Manila RTC Branch 3. Pinalaya si Baldo matapos maglagak ng bail, ani Francisco.
Subalit naglabas na muli ng arrest warrant si Pacheco nitong Agosto 21 at kaagad na ini-serve ito ng Albay CIDG Field Unit, at police units ng Camalig at Daraga, Albay PPO at RIT, RIUS sa bahay nito sa Daraga.
Hinarap naman ng kapatid ni mayor ang mga pulis subalit hindi nadatnan si Baldo sa kanyang bahay. At nang matunugan ng police raiders na si Baldo ay nasa Camalig town, maayos naman nilang nai-serve ang arrest warrant dito. Eh di wow!
Sinabi ni Francisco na matiwasay na sumama si Baldo sa mga police raiders. ‘Ika nga hindi nanlaban at haharapin niya ang kaso sa korte. Ang ibig sabihin ng mga kosa ko, walang nadamay o kaguluhan na nangyari.
Di tulad sa kaso ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy na dinamay pa ang kanyang mga disipulo sa kaguluhan. Sanamagan!
Kung sabagay, si Quiboloy ay isang religious leader samantalang si Baldo ay political leader naman. Magkaiba sila ng diskarte, di ba mga kosa? Ayon kay Francisco, si Baldo ay ibibiyahe sa Maynila kapag hiniling ni Pacheco ang kanyang physical presence. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ang pagkaaresto kay Baldo ay alinsunod sa Oplan Pagtutugis ng CIDG kung saan ang mga kriminal na may arrest warrant ang tinatarget. Para masiguro na walang reklamo si Baldo at pamilya niya, nagsuot ng body worn cameras ang mga police raiders nang sa gayon ay magiging transparent ang operation nila. Get’s n’yo mga kosa? Tsk tsk tsk!
Swak sa banga si Baldo at balik himas ng rehas na bakal siya. Ganun talaga! Hehehe! Ang sakit sa bangs nito.
Binasahan ng mga pulis ng kanyang Constitutional rights si Baldo sa harap ng kanyang abogado na si Atty. Merito Fernandez. Dinala siya sa CIDG RFU sa Albay kung saan ipinasailalim siya sa documentation at proper disposition.
Sana magsilbing leksyon sa mga pulitiko ang kaso ni Baldo. Malapit na ang midterm elections kaya maraming kasong ganito ang magsusulputan, lalo sa mga lugar kung saan hotly contested ang labanan ng mga pulitiko. Mismooo! Abangan!
- Latest