Operasyon vs Quiboloy tuloy
Dapat maunawaan ng taumbayan kung ano ang kahulugan ng cease and desist order na ipinalabas ng isang Korte sa lungsod ng Davao na sinasabing nagpapatigil sa police operation ng Philippine National Police (PNP) kay Pastor Apollo Quiboloy. Legal na kautusan ng korte ang warrant of arrest na isisilbi kay Quiboloy upang harapin niya ang mga demandang human trafficking at child abuse na nakahain laban sa kanya.
Puwede bang pigilin ng Korte ang pagsilbi ng warrant? Dapat linawin ito ng mga kinauukulan para na rin sa edukasyon ng mga mamamayang tulad ko na salat sa kabatiran sa batas.
Ayon sa Philippine National Police, tuloy ang operasyon sa pagsisilbi ng warrant at paghahanap sa nagtatagong si Quiboloy. Tanong: hindi ba sila lumalabag sa cease and desist order ng Davao court?
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, ang tanging nakapaloob sa atas ng korte ay alisin ang barikadang inilatag ng PNP para huwag hadlangan ang galaw ng mga nanirahan sa malaking compound ng simbahan ni Quiboloy. Mayroon kasing naninirahan at nagtatrabaho roon. Mayroon ding pamantasan na doo’y may mga estudyanteng nag-aaral. Ito ay sinunod ng pulisya.
Sabi ni President Marcos, kahit sangkaterba ang naka-deploy na mga pulis, walang sandata ang mga ito. Kung gayo’y ano ang pinangangalandakan ng mga Quiboloy supporters na human rights violations gayong sila ang pumipigil sa usad ng hustisya?
Hindi makabubuti ang patuloy na pagtatago ng pastor. Dapat, gaya ng sinabi mismo ng kaibigan niyang si Sen. Bato dela Rosa, mas mainam na sumuko at maglinis ng pangalan.
- Latest