NANG ideklarang public health emergency of international concern (PHEIC) ng World Health Organization (WHO) noong 2022 ang mpox, na kilala pa noon bilang monkeypox, agad na naghanda ang Quezon City government ng sariling protocol laban sa nasabing sakit.
Kahit pa tinuldukan na ng WHO ang pagiging PHEIC ng mpox noong Mayo 2023, hindi pa rin natin isinantabi ang ikinasa nating paghahanda, mekanismo at mga pagkilos kontra rito, sakali mang muling kailanganin.
Nang mapag-alaman na ang pinakabagong kaso ng mpox sa bansa ay dumaan sa ating lungsod at bumisita pa sa isang dermatology clinic at spa, agad nating inilatag at pinaigting ang mga protocol para mapigil ang pagkalat nito.
Kabilang sa protocol na ikinasa ng lungsod ay ang pag-orient sa mga nurse, doktor at medical personnel, kabilang ang healthcare workers sa social hygiene at sundown clinics, ukol sa virus.
Agad ding ipadadala ang specimen ng posibleng kaso ng mpox sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at mayroon tayong referral system sa mga ospital para sa karampatang atensiyong medikal.
Kaya nang mapuna ng doktor ang skin lesions sa katawan, braso, mukha, likod at iba pang bahagi ng katawan ng pasyente, agad siyang nakipag-ugnayan sa barangay para madala ito sa RITM para makunan ng specimen.
Bumuo na ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) ng City Health Department (QCHD) ng Quick Response Team na siyang magsasagawa ng contact tracing. Nakahanda na rin ang sapat na personal protective equipment at iba pang pangangailangan para sa contact tracing.
Mahalagang bahagi ng ating protocol ang pakikiisa ng mga apektadong establisimyento sa isinasagawang contact tracing ng lungsod. May mga ipinasara na tayong club sa E. Rodriguez na ayaw makipagtulungan sa ating contact tracing team. Ito’y malinaw na paglabag sa Republic Act No. 11332, o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act, Nakasaad sa batas na ito na dapat makipagtulungan ang mga establisimyento na apektado ng isang public health event.
Una na nating isinara pansamantala ang isang spa dahil natuklasan nating kulang sa mga permit nang isinagawa ng CESD at QCHD ang contract tracing.
Kailangan namin ang kooperasyon ng lahat sa ginagawa naming pagkilos. Ito’y bahagi ng aming responsibilidad para matiyak na protektado at ligtas ang lahat ng QCitizens.