KUNG may bahid mang pulitika ang pagsisilbi ng warrant of arrest kay Pastor Quiboloy, siguro lang, may bahagya. Pero hindi ito pinlano dahil totoong may mga naghabla sa kanya. Pati nga sa U.S. ay may mga naghihintay sa kanyang asunto.
Sa kabuuan ay lehitimo ang mga kaso sa human trafficking at child abuse sa kanya at mayroong mga legal na arrest warrant mula sa korte.
Marahil lang—ito’y sinakyan ng mga kapangyarihan sa administrasyon dahil na rin sa kaugnayan ng simbahan ni Quiboloy sa mga Duterte na marubdob ang hangaring walisin si Presidente Marcos sa kanilang landas.
Para sa akin, counterproductive ang patuloy na pagtatago ng pastor na kaalyado ni Duterte. Oo nga’t libu-libo ang kanyang mga miyembro at tagasuporta pero ang pagharang nila sa mga pulis na magsisilbi ng warrant ay patuloy na nagbubunga ng tensiyon at pumipigil sa malayang paggalaw ng mga tao sa Davao City.
Totoong sa laki ng simbahan ni Quiboloy at sa rami ng mga miyembro niya, siya ay hindi basta-basta tao at puwedeng palabasin na overkill ang libong pulis na itinalagang umaresto sa kanilang pinuno. Hayan, nagrarali pa sila at hinihingi ang pagbaba sa puwesto ni Marcos.
Paano ba namang hindi magdedeploy ng sandamakmak na pulis ay sila mismo ang pumipigil sa pag-aresto? Obstruction of justice na iyan. Hindi bale kung Senado lang ang nagpapaaresto. Pero Korte na ang nilalabag ni Quiboloy.
Talagang sinasadya nilang palitawin na kontrabida sa laban na ito ang administrasyon kahit pa may mga legitimate complainants sa mga kasong isinampa sa kanya. Ang marangal na magagawa ng taong may kaso ay harapin ang demanda at klaruhin ang pangalan kung talagang walang kasalanan.