MAY intelligence funds ang mga ahensiya ng pamahalaan para gamitin sa pangangalap ng impormasyon na may kaugnayan sa pambansang seguridad at iba pa. Kabilang sa mga may intel fund ay ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police at iba pa.
Ngayong may mga taong hinahanap ng batas at hindi mahanap-hanap sa paglipas ng panahon, nagiging malaking isyu kung nagagamit ba nang tama ang intel fund na nakalaan para sa mga ahensiya? O nawawalan nang silbi? O dapat nang magkaroon nang susuri sa intel fund para magkaroon nang transparency? Pera ng taumbayan ang nakasalalay at dapat malaman kung nagagamit ba ito nang tama at naaayon sa batas.
Hanggang ngayon palaisipan pa rin kung bakit hindi natunugan o naramdaman ang pagtakas ng pinatalsik na Bamban, Tarlac mayor Alice Guo. Noon pang Hulyo 17 nakalabas ng bansa si Guo pero nabatid lamang ang pagkawala niya noong Agosto 20—mahigit isang buwan mula nang makatakas. Walang record sa Bureau of Immigration (BI) nang pag-alis. Nakalabas din ng bansa ang mga kapatid ni Guo at isa pang kasabwat nila. Nagtungo sila sa Indonesia, Malaysia at Singapore. Nahuli ang kapatid ni Guo at isa pa sa Batam, Indonesia. Salamat at mas matalas ang pang-amoy ng Indonesian authorities kaysa Pilipinas kaya nahuli ang dalawa, Si Guo ay wala pang balita.
Hanggang ngayon din hindi pa nahuhuli ng PNP ang fugitive na dating BuCor director Gerald Bantag na mastermind sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid. Madulas ba talaga si Bantag o mahina ang intel ng PNP at NBI. Mahigit isang taon na mula nang ipag-utos ang pagdakip kay Bantag pero walang magawa ang PNP at iba pang awtoridad.
Hanggang ngayon din, hindi pa nahuhuli si Pastor Apollo Quiboloy. Pinasok na ng 2,000 pulis ang compound ng KOJC sa Davao pero walang makitang anino ng nagpakilalang chosen son of God. Hindi pa umaalis sa compound ang mga pulis na aaresto at iniisa-isa ang mga gusali sa KOJC.
May intel fund ang PNP para makapangalap ng impormasyon pero nawawalan ng silbi. Dapat magkaroon ng imbestigasyon na may kaugnayan sa intel fund. Kakahiya na marami ang nakakalusot sa batas.