“GUGULONG ang mga ulo.” Ito ang pahayag ni President Bongbong Marcos Jr. kaugnay sa pagtakas ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo. Napakalaking kahihiyan ang pagtakas ni Guo habang iniimbestigahan ang kanyang pagkakasangkot sa mga iligal na POGO sa bansa. Ang isa pa nga ay nasa likod lang ng munisipyo niya sa Bamban. Pinatunayan lang ni Guo muli na maaaring takasan ang lahat, basta may koneksyon at pera. Alam na nga yata ng buong mundo iyan.
Nahuli naman sa Indonesia si Sheila Guo, kapatid umano ni Alice Guo at Cassandra Ong, ka-negosyo ng mga Guo. Nasa Pilipinas na sila at hawak ng mga awtoridad. Hinikayat naman ni Senator Win Gatchalian ang dalawa na magsalita na at pangalanan ang mastermind sa likod ng mga iligal na POGO, pati na mga kasabwat na opisyal ng gobyerno na tumulong para makaalis silang lahat, kasama si Alice Guo. May larawang ipinakita na nasa Kuala Lumpur si Alice Guo. Kaya sa mga nagsasabing nasa bansa pa siya, pabulaanan ninyo itong larawan.
Sana hindi lang isang pahayag ang maririnig natin mula kay President Marcos. Sana masiwalat ang lahat ng tumulong para makaalis si Guo sa bansa. Siguradong hindi lang isang tao o opisyal iyan. Kung puwede, si Marcos mismo ang magbuo ng isang grupo para hanapin ang mga iyan.
Kung tutuusin, dapat matagal nang binabantayan ang mga kilos ni Guo. Dapat noong hindi na nagpakita sa Senado ay binantayan na siya. Kaya may kasalanan din ang gobyerno. Bakit nga ba hindi sinabihan kaagad ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco si President Marcos at Justice Secretary Crispin Remulla na nakaalis na ng bansa si Guo? Malaking paliwanag dapat iyan.
Ang nais nga ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ay imbestigahan lahat ng ahensiyang may kinalaman sa pagtakas ni Guo. Hindi lang ang BI kundi pati ang PNP, Coast Guard, CAAP pati na rin ng PAOCC. Wala raw rekord ang mga pantalan at paliparan ng pag-alis ni Guo ng bansa pero may litratong nasa Malaysia na siya. Ano pala iyon? Ang pahayag nga ni PAOCC Spokesperson Winston Casio, “Napakatanga naman naming lahat at hindi namin siya nabantayan o nakita.”
Si Casio na ang nagsabi niyan. Pero totoo naman. Isa na namang nakatakas. Ngayon mahihirapan na namang maibalik si Guo sa Pilipinas, kung maibabalik nga siya. Si Teves nga ay hindi pa maibalik kahit alam na kung nasaan. Hihintayin ko kung may gugulong nga na mga ulo. O baka naman lahat ay pipitikin lang sa kamay.