Air quality sensors sa bawat bgy, mahalaga sa kaligtasa’t kalusugan
Alam n’yo, talagang napakalaking tulong ng air quality sensors na ikinabit natin sa mga barangay ng Makati. Dahil sa mga ito, nagagawa nating magbigay ng tamang impormasyon tungkol sa kalidad ng hangin, lalo na nitong kasagsagan ng vog emissions mula sa Taal Volcano.
Ang mga sensor na ito ay nakakonekta sa internet, kaya’t direkta nilang naipapadala ang datos sa ating Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center. Real-time ang data na nakukuha natin, kaya’t mabilis tayong nakakapagbigay ng abiso sa mga lugar na mataas ang pollution level at maaaring makaapekto sa kalusugan.
Mabilis din nating ina-announce sa social media ang mga advisory para alam agad ng ating mga residente at publiko kung anong mga lugar ang dapat iwasan at kung kailangan pa nila ng karagdagang pag-iingat. Ngayon, meron na tayong 824 indoor at 200 outdoor air quality monitoring devices na may kasamang solar panels na naka-install sa lahat ng barangay sa lungsod.
Bukod pa riyan, ang mga smart device ay nakakatulong sa atin na masigurong sumusunod ang mga negosyo at iba pang establishments sa Clean Air Act. Nagagamit din natin ang sensors para matukoy kung saan nanggagaling ang polusyon at magpatupad ng tamang aksyon. Napakahalaga nito para sa ating paghahanda sa mga epekto ng climate change sa ating hangin.
Ang mga sensor na ito ay hindi lang basta nagmo-monitor ng air quality, sinusukat din nila ang init, temperatura, halumigmig, at antas ng CO2 at alikabok sa hangin. Kaya’t napaka-informative ng datos na nakukuha natin.
Ngayong taon, naglaan tayo ng P165 milyon para makabili ng mas maraming smart devices. Kasama ito sa plano nating gawing mas smart at truly digital City ang Makati gamit ang teknolohiya ng Internet of Things. Ibig sabihin, lahat ng mga device natin ay konektado at nagkakaroon tayo ng mas magandang overview ng kalagayan ng ating lungsod.
Sa tulong ng mga device na ito, mas nagiging epektibo tayo sa pag-monitor at pagsugpo sa mga panganib na dulot ng polusyon. Nakakapagbuo rin tayo ng mga patakarang base sa ebidensya para masigurong napapanatili natin ang isang ligtas at maayos na lungsod para sa lahat.
Sa patuloy nating pagyakap sa makabagong teknolohiya, sama-sama nating itaguyod ang isang mas ligtas, mas maayos, at mas maunlad na lungsod—para sa isang Better Makati.
- Latest