Pinaalalahanan kamakailan ng Department of Migrant Workers ang mga Pilipinong nag-aaplay ng trabaho sa bansang Canada na mag-aplay lamang sa mga recruitment agency na lisensiyado ng DMW. Maaaring makita sa website ng DMW ang pa-ngalan, opisina at contact details ng mga ahensiyang ito o sa link nito sa internet na https://dmw.gov.ph/licensed-recruitment-agencies. Maaari ring tingnan ang mga approved job order (per country, per position, or per agency) sa link na
Nagpaalala rin si DMW Secretary Hans Cacdac sa mga job applicant na hindi sila dapat magbayad ng anumang placement fee sa kanilang broker o agency.
Ipinapaalam din ni Cacdac sa publiko na epektibo mula noong Hunyo 1, ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa Canada ay tumaas sa CA$17.40 per hour mula sa dating CA$16.75.
Kung merong naniningil ng bayad kapalit ng inaalok na trabaho sa Canada, maaaring magpadala ng private message at ipa-alam ito sa Facebook page na “DMW Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Program.”
Nauna nang nagbabala si Cacdac sa mga gustong maging overseas Filipino worker na mag-ingat sa mga visa consultancy firms na nag-aalok ng student visa sa Canada, na nagtitiyak sa mga aplikante na makakapagtrabaho rin sila rito. Hindi anya lisensiyado ang mga kumpanyang ito para mag-recruit ng mga OFW.
Lubha kasing aktibo ang Canada sa pangangalap ng mga dayuhang manggagawa dahil sa malubha nilang kakulangan sa mga manggagawa. Bukod sa Amerika, UK at Europe, kabilang ang Canada sa mga bansang pangarap pagtrabahuhan at panirahanan ng maraming Pilipino. Sa newsfeed ng Facebook malimit makakakita ng mga video o post na nagpapakita kung gaano kaganda ang mamuhay sa Canada pero tahimik sa mga negatibong usaping merong kinalaman dito. Merong mga residente ng Canada na nag-aalisan dito at lumilipat sa ibang bansa tulad sa Amerika dahil sa sobrang taas ng presyo ng mga bahay at lupa at sobrang ginaw ng klima.
Meron ding mga nagsasamantala at umaabuso sa pangangalap ng mga dayuhang manggagawa. Sa katunayan, mainit na isyu sa kasalukuyan sa Canada ang Temporary Foreign Workers Program (TFWP). Isa itong programa na nagpapahintulot sa mga Canadian employer na kumuha ng manggagawa sa ibang bansa. May mga panukalang ihinto na ito o pagbawalan ang mga manggagawang may pinakamaliit na sahod. Sa programang ito pinapayagan ang mga kumpanya o employer na walang makuhang tauhan sa Canada na mangalap ng manggagawa sa ibang bansa. Isa sa dokumentong kailangan dito ang kontrobesiyal na labour market impact assessments (LMIA).
Ayon sa mga naglalabasang mga ulat mula sa ilang mga media outlet sa Canada, merong mga employer na umaabuso sa TWP, may mga namemeke ng LMIA, nakatali sa kanilang mga amo ang nakukuhang dayuhang manggagawa na pinapasahod nang mas mababa sa minimum wage at binabantaang ipade-deport kapag nagsumbong. Walang overtime pay ang mga manggagawang mahigit walong oras ang trabaho at merong hindi sumusuweldo sa tamang oras.
Ang mga OFW na nakakapasok sa TWP ng Canada ay karaniwang meron lang anim na buwan para magtrabaho roon. Hindi siya maaaring lumipat sa ibang employer o kumpanya. Maaaring i-extend ang kanyang work permit pero hanggang apat na taon lang ito at pagkatapos nito, kailangan niyang bumalik sa Pilipinas. May mga Pinoy na masuwerteng tinulungan ng kanilang employer na magkaroon ng permanent residency pero merong minalas na kinailangang umuwi sa Pilipinas dahil hindi na-‘renew’ ang kanilang work permit.
Kung temporary ka lang kasi sa Canada, hindi mo matitikman ang mga benepisyong kaakibat ng pagiging permanent resident (PR). Sa PR, mas marami kang social benefits na tulad ng natatanggap ng mga Canadian citizen; social insurance number para makapagtrabaho sa Canada; health care coverage; maaari kang manirahan, magtrabaho o mag-aral saan man sa Canada; maaari kang maging Canadian citizen; makatanggap ng proteksyon ng batas ng Canada; at magbayad ng buwis sa Canada. Mananatiling mababa ang sahod mo, mababa ang posisyon at laging nakaamba ang panganib na mapalayas ka sa naturang bansa kung temporary lang ang permit mo para manatili roon.
Para makapasok sa Canada sa ilalim ng TWP, dapat meron ka nang nakuhang trabaho roon, patunayan na aalis ka sa Canada kapag nag-expire na ang iyong work permit, dapat meron kang pruweba na matutustusan mo ang mga gastusin sa pananatili mo at ng iyong pamilya roon, me-ron kang sapat na pondo para makauwi sa Pilipinas, wala kang criminal record, at maganda ang kalusugan.
At iba rin ang mga rekisitos para maging permanent resident na hangarin ng maraming Pinoy na unang nakakapasok sa Canada. Magkakaiba ang mga requirement sa iba’t ibang probinsiya o lungsod ng Canada. Merong mga lugar halimbawa na kailangang magaling kang magsalita ng Ingles o Pranses. Pranses ang pangunahing lengguwahe sa ilang bahagi ng Canada. At hindi basta maalam lang sa kanilang wika ang kailangan. Da-pat bihasa ka rito, magaling maging sa punto at istilo ng pananalita sa sarili nilang wika. Maraming Pinoy na nasa TWP ang nagkakaproblema rito kaya hirap silang makakuha ng PR.
Kaya kailangang maging mapanuri sa mga detalye ng mga proseso ng pagpunta sa Canada kung gusto mong magtrabaho at manirahan doon. Marami namang mapapasukang trabaho pero anong klaseng trabaho? Anong tsansa na maging regular ka sa trabaho, umasenso at ma-ging permanent resident doon? Totoo namang maraming Pinoy ang naging maganda ang buhay pero hindi lahat. Marami rin ang hirap pa rin sa buhay. Nakakapagtaka rin na laging sinasabi ng Canada na kulang ito ng mga manggagawa pero marami rin itong sariling lokal na mamamayan na walang trabaho. May mga Pinoy na pilit na nananatili sa naturang bansa kahit wala silang PR o maliit lang ang kinikita dahil nga umaasa sila sa mga oportunidad na maibibigay sa kanila ng naturang bansa.
Mas mainam na magsaliksik muna, magbasa o manood ng mga balita at anumang mga impormasyon hinggil sa Canada, magtanong-tanong, maging alerto at mag-ingat laban sa mga panloloko at pambobola, paghandaan ang anumang kakaharaping mga problema o pagsubok at humalaw ng aral sa karanasan ng ibang mga Pinoy sa Canada kung naghahangad na makarating sa bansang ito.
* * * * * * * * * * * *
Email- rmb2012x@gmail.com