1. Kung mayroong diabetes o altapresyon (high blood pressure), kailangang bantayan maigi ang kidneys. Ang diabetes at altapresyon ay nakasisira sa kidneys pagkaraan ng 5 taon pataas. Bantayan at i-kontrol ang antas ng iyong blood sugar at blood pressure. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng diyeta, ehersisyo at pag-inom ng maintenance na gamot.
2. Kadalasan, walang nararamdaman ang mga taong may sakit sa kidneys. Kapag may kidney failure na, humihina na ang daloy ng ihi. Huwag nating paabutin sa ganitong kondisyon bago magpagamot.
3. Magpa-urinalysis. Makikita sa urinalysis kung may impeksyon, may dugo o may protina sa ihi. Kapag nag-positibo sa albumin (isang protina) sa urinalysis, ay maaaring may sakit na sa kidneys. Magpatingin sa isang kidney specialist.
4. Magpa-check ng creatinine sa dugo. Kapag mataas ang creatinine level, ang ibig sabihin ay posibleng may sira na ang kidneys. Kadalasan ay tumataas lamang ang creatinine kapag may 50 percent damage ang kidneys. Huwag itong balewalain. Magpatingin agad sa doktor.
5.Huwag sobrahan ang pag-inom ng Vitamin C. Hanggang 500 mg lang ng Vitamin C ang nirerekomenda. Ang sobrang vitamin C ay puwedeng magdulot ng kidney stones. At ang kidney stones naman ay puwedeng umabot sa kidney failure kapag hindi naagapan.
6. Limitahan ang paggamit ng pain relievers. Ang mga pangkaraniwang pain relievers tulad ng mefenamic acid, ibuprofen, at mga mamahaling pain relievers tulad ng celecoxib, ay puwedeng makasira ng kidneys. Kailangan ay limitahan ang paggamit nito sa isang linggo lamang. Pagkatapos ay ipapahinga muna ang kidneys, bago muling bigyan ng gamot sa kirot. Kaya kung ika’y may arthritis, lagyan na lang ng mainit na tubig ang tuhod at gumamit na lang ng paracetamol tablet.
7. Uminom ng sapat na tubig araw-araw. Ang pangkaraniwang payo ng doktor ay ang pag-inom ng walong basong tubig sa isang araw. Makatutulong ito sa pag-iwas sa kidney stones o bato sa bato.
8. Bawasan ang alat at limitahan ang protina sa pagkain. Kumain ng isda, gulay at prutas.
9. Uminom ng gamot para makontrol ang altapresyon at diabetes. Kumunsulta sa doktor para malaman ang tamang gamutan.