NOONG Lunes, binigyang pugay at ginunita natin ang buhay ni dating President Manuel Luis Molina Quezon kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-146 na kaarawan.
Sa isang simpleng programa na dinaluhan ng mga opisyal ng lungsod Quezon at iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, inalala natin ang kanyang buhay bilang sundalo, abogado, pinuno, at lingkod-bayan.
Binalikan din natin ang kanyang mga pangarap at pagnanais para sa mga Pilipino at sa ating bansa.
Isa sa mga pangarap ni President Quezon ay tumindig ang mga Pilipino gaya ng isang punong molave—matibay, matatag at laging handang humarap sa anumang hamon.
Matibay ang pananampalataya ni Quezon sa kakayahan ng mga Pilipino. Sa sobrang tiwala niya sa atin, nasambit niya ang mga katagang: “I would rather have a government run like hell by Filipinos. Because however a bad Filipino government might be, we can always change it.”
Para kay Quezon, gaano man kagulo at kahirap, tiwala siyang mahahanap ng mga Pilipino ang tamang landas tungo sa magandang kinabukasan nating lahat.
Bahagi rin ng kanyang pangarap ang manindigan para sa karapatang pantao at pagkakapantay-pantay.
Napakasuwerte ng ating lungsod na nagsilbing tagapagmana ng mga pangarap na ito.
Nang kanyang itatag ang Quezon City, ninais niya na ito ang magsilbing puwang para sa mga naghahangad ng kaunlaran. Isang lugar na puwedeng maabot ng mga Pilipino ang kanilang potensiyal at mamuhay nang may dignidad at kahulugan.
Ang mga pangarap na ito ni Quezon ang patuloy nating sinisikap gawin. Ipinagpapatuloy natin ang kanyang hangarin na mabigyan ng de-kalibreng serbisyo at paglilingkod ang lahat, lalo na iyong mga nangangailangan.
Magsilbi rin sanang aral, lakas at inspirasyon para sa ating lahat ang mensahe at pangarap ni Quezon.
Tandaan na bawat isa sa atin, may tungkulin na mahalin, pangalagaan, at itaguyod ang kapakanan ng ating bansa at ating mga kababayan.
Dapat itong makita sa araw-araw nating kilos at gawa. Palagi nating sikapin na maging mabuti sa kapwa at harapin ang bawat hamon nang buong tapang at tibay gaya ng puno ng molave.