IYAN na nga ba sinasabi ko. Noong Lunes, inihayag ni Sen. Risa Hontiveros na nakaalis na umano ng bansa si Alice Guo. Ipinakita niya ang dokumento mula sa Malaysia kung saan ipinakitang may pumasok na isang Alice Guo, Pilipino sa Kuala Lumpur noong Hulyo 18, 2024. Tumuloy ito ng Singapore kinabukasan at doon nagkita-kita raw sila ng kanyang magulang.
Ayon pa kay Hontiveros, ginamit pa raw ni Guo ang kanyang Philippine Passport. Ang tanong, may hold departure order na ba laban kay Guo noong nakaalis ng bansa? Ang alam ko ay may immigration lookout bulletin order (ILBO) na noong June 21, at mag-a-apply na raw ng hold departrure order (HDO) sa susunod na linggo. Umabot ba ang HDO na iyan bago makaalis umano si Guo noong Hulyo 18? O pinaalis na muna? Alam n’yo naman sa ating bansa, hindi ba?
Kung ganitong may dokumento nang hawak ang Senado tungkol sa pag-alis ni Guo ng bansa, siguro ang dapat tawagin na riyan ay ang Bureau of Immigration (BI). May rekord din ba sila ng pag-alis ni Guo, o ipipilit na nasa bansa pa siya? Kung passport pa ng Pilipinas ang ginamit hindi ba dapat may rekord sila? O sasabihin ba na wala pang HDO kaya pinayagang umalis? Pero may ILBO na noong Hunyo pa lang, hindi ba?
Napakaraming kailangang ipaliwanag ng BI, kung may paliwanag sila. Kung wala, sila maghanap kung sino ang tumulong na makaalis ng bansa si Guo at kasuhan na kaagad. Sawang-sawa na ang mamamayan na tuwing may mayamang suspek ay nakakatakas na lang. Kung mahirap iyan, siguradong huli o kaya patay. May mga hindi pa nga mahuli-huli ang mga awtoridad, kahit alam na kung nasaan. Matatawa ka na lang talaga.
Sa pagkaalam naman daw ng DOJ, nasa bansa pa si Guo, kasi may ipinababasurang kaso laban sa kanya. Ganundin ang giit ng abogado ni Guo. Eh di magpakita siya para pabulaanan ang lahat ng salita hinggil sa kanyang pag-alis ng Pilipinas.
Pero kung may kumpirmasyon mula sa Malaysia at Singapore na may dumating nga na Alice Guo sa kanilang bansa, ang bagsak na naman kung sino ang dapat magpaliwanag at sisihin ay ang mga opisyal ng gobyerno pati na ang mga dapat manghuli. Kung nakaalis na nga ng bansa, siguradung-sigurado may tumulong.