Mga alipores ni Tatay Digong, sangkot sa drug smuggling?
Sumulpot sa House hearing si ex-Customs intel officer Jimmy Guban at ibinando na sangkot sa drug smuggling ang tatlong personalidad na malapit kay Tatay Digong. Itinuro ni Guban sina Davao City Rep. Polong Duterte, na anak ni Tatay Digong; Atty. Mans Carpio na asawa ni Vice President Sara Duterte at Michael Yang, na dating adviser ng Palasyo. Maagang nagsimula ang political season ah, di ba mga kosa?
Kung pagbabatayan itong testimonya ni Guban, hindi malayong hoyo ang magsisilbing retirement ni Tatay Digong, kasama ang kanyang mga amuyong. Dipugaaaaa!
Nang tumakbo si Tatay Digong bilang Pangulo, marami ang napahanga sa kanyang plataporma de gobyerno, partikular sa kanyang pangakong tapusin ang salot na droga at katiwalian sa pamahalaan. “I hate drugs,” wika n’ya noong nangangampanya pa s’ya. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Subalit nang nakubkob ang Palasyo, binuksan ni Tatay Digong ang Malacañang sa mga damuhong Tsino. Ang masaklap, itinalaga pang Presidential Economic Adviser si Yang na matagal nang may bahid ang pagkatao. Sa giyera kontra droga na inilunsad ni Tatay Digong, libu-libong drug suspects—kabilang ang mga kilalang personalidad sa larangan ng pulitika—ang pinaslang.
Katwiran ng mga pulis na inatasan maging bahagi ng tinaguriang Oplan Tokhang, eh kasi nanlaban kaya pinutukan. Sanamagan! Gayunpaman, nanindigan si Tatay Digong at pinalitan ang linyang “I hate drugs” ng “Kill, kill, kill” na nagbigay daan sa isang hayagang pamamaslang—kesehodang sino pa ang tamaan—bata, kababaihan, senior citizens at mga inosenteng kalaunan ay sinasabing “napagkamalan.” Araguyyy! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Teka, teka! Matatandaan na noong nasa Customs pa s’ya, nasakote ni Guban ang tumataginting P11 milyong halaga ng droga sa Manila International Container Port (MICP). Subalit imbes na premyuhan, abayyy nakulong pa ng halos anim na taon si Guban. Hindi lang ‘yan! Pagkatapos ng insidente, kabi-kabilang tawag at mensahe ng pananakot pa ang natanggap ni Guban, sa telepono man—hanggang sa Senado. Eh di wow!
Ang problema, nawala sa Palasyo si Tatay Digong at sa tingin ni Guban pagkataon na niya ito para ilahad ang katotohanan sa shipment ng droga. At hayun! Itinuro niya sina Polong, Mans at Yang na nasa likod ng shipment ng nasakote niyang droga. At isinabit pa ni Guban ang dalawang media personalities. Dipugaaa! Malalim na ang labanan na ito, di ba mga kosa? Ang sakit sa bangs nito!
Sa totoo lang, napaniwala ni Tatay Digong na naiiba siya kumpara sa mga trapo, kabilang sina GMA at Erap. Subalit sa isang banda, kung itong kaso nina Polong, Mans at Yang ang gagawing basehan, mas masahol sa siya kina Arroyo at Estrada kahit pagsamahin mo pa mga bulilyaso nila. Tsk tsk tsk! Personalan na ito.
Sa tingin ni VP Sara siya ang target ng pasabog ni Guban. Ayaw niyang sumagot dito dahil nga may usapan sila ni Mans na kanya-kanya sila sagot sa mga akusasyong ibinabato laban sa kanila. Si Polong naman, aniya, ay may sapat na kaalaman para sagutin si Guban. Ayon kay VP Sara ang lahat ng kontrobersiya na ibinabato sa kanya ay puro “political attacks at harassments”. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Abangan!
- Latest