Integridad sa sektor ng kalusugan

PHAP members, partners, at ang PHAPCares team sa kanilang pagpirma sa commitment wall bilang pagpapakita ng kanilang pangakong itaguyod ang integridad sa sektor ng kalusugan.

Ilang buwan na ang nakakalipas nang isinalang sa senado ang isang pharmaceutical company na akusado sa pag-aalok ng mga mamahaling regalo at benepisyo sa mga doktor, kapalit ng pagrereseta ng kanilang mga gamot sa mga pasyente. Ikinatakot ito ng karamihan dahil ibig sabihin, maaaring maresetahan ang isang pasyente ng gamot na puwedeng mas mahal, o kaya’y hindi naman nila talagang kailangan. 

Naging mainit din sa balita at sa social media ang multi-level marketing o pyramid scheme na ginagawa rin daw ng kumpanya para maka-recruit ng mga nasabing doktor.

Sa insidenteng ito’y makikita ang kahalagahan ng integridad at ethics sa pagiging doktor, o sa kahit anumang propesyon o trabaho. 

Mahalagang usapin ang ethics, ang integridad, at transparency sa nagkakaisang layunin nating maging abot-kaya at dekalidad ang healthcare para sa bawat isa. Kung hindi, mawawala ang tiwala natin sa isa't isa na siyang pundasyon ng relasyon ng doktor at pasyente. Paano mo susundin ang payo ng iyong doktor kung nabalitaan mong may kita pala sila sa pagreseta ng isang brand ng gamot?

Kaya magandang balita ang muling paglulunsad ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines o PHAP ng kanilang I Stand for Integrity Campaign, kasama ang iba pa nilang mga partner sa sektor ng kalusugan.

Gobyerno man o pribadong organisasyon, marami ang nakiisa sa layunin ng kampanyang ito na pagtibayin pa ang mga prinsipyo ng integridad, transparency, at pagsunod sa ethics ng pagiging healthcare professional.

Naimbitahan tayo bilang moderator dito at nasaksihan natin kung gaano kahalaga sa mga lider at kinatawan ng iba't ibang samahan ang mga prinsipyong ito.

Kampanya ng PHAP para sa propesyonalismo ng industriya

PHAP President at Roche Philippines General Manager Dr. Diana Edrali, hawak ang kanyang pinirmahang simbolo bilang suporta sa ”I Stand for Integrity Campaign”.

Binigyang-diin ni PHAP President at Roche Philippines General Manager Dr. Diana Edralin ang layunin ng kampanyang ito sa pagsasabing, "Ang ethical na pag-promote ng prescription medicines ay mahalaga sa misyon ng industriya natin na tulungan ang bawat pasyente sa pamamagitan ng research at pagdevelop ng makabagong gamot.”

Dagdag pa ni Dr. Diana, “Dahil sa pagtutulungan ng isa’t isa, naitataas pa natin ang ethical standard sa sektor ng kalusugan. Ang mga pamantayang ito ay patunay sa kahalagahan ng tiwala, na isa sa mga importante pagdating sa pagbuo ng mga bagong gamot at pangangalaga sa mga pasyente."

Agree ako dyan, Dok! Nariyan ang code of ethics at iba pang mga pamantayan para sa bawat propesyon para masigurong nagagampanan ng bawat isa ang kanilang tungkulin at hindi naiimpluwensyahan ng iba.

Ibinahagi naman ni PHAP Executive Director Teodoro Padilla ang mga pinagtagumpayan ng kanilang samahan sa isyu ng professional ethics.

Lima ang nabanggit ni Mr. Teodoro. Una, ang pagbuo ng PHAP Code of Practice noong 1993, na "naging basehan na ng mga polisiyang nagpapatupad ng ethical conduct." Nariyan din ang pakikipagtulungan nila sa Food and Drug Administration para masiguro ang transparency at integridad ng mga health professional at miyembro ng PHAP. Itinatag din ng kanilang asosasyon ang Integrity and Proficiency Program for the Pharmaceutical Sector (IPPS) certification program. Nariyan din ang pagtanggap ng PHAP sa globally-developed na Consensus Framework for Ethical Collaboration Between Patients’ Organizations, Healthcare Professionals, and the Pharmaceutical Industry. At panghuli, patuloy din ang kanilang kolaborasyon sa National Privacy.

Left photo: PHAP Exc. Dir. Teodoro Padilla kasama si PCC Chairperson Atty. Michael Aguinaldo sa kanilang inisyatibo sa pagtataguyod ng ethics, integrity, at professionalism sa pakikipag-ugnayan sa gobyerno, medical community, mga pasyente, at sa sambayanan. Right photo: Hiinikayat ni PHAPCares Foundation at AstraZeneca PH President, Ms. Lotis Ramin ang lahat na suportahan ang corporate social responsibility (CSR) projects ng mga pharmaceutical companies.

Mga lider ng healthcare, nagkakaisa sa usapin ng ethics

Nakasama natin sa I Stand For Integrity Campaign relaunch si Karen Villanueva, ang presidente ng Philippine Alliance of Patient Organizations (PAPO) na kumakatawan sa higit sa 50 disease-specific patient groups sa Pilipinas. "Nakikipagtulungan tayo sa iba't ibang komunidad para marinig ang boses nila," sabi ni Ms. Karen. 

Naroon din si Philippine Medical Association President Dr. Hector Santos na isinulong ang kahalagahan ng patient-centric innovation at ang kanilang commitment sa "integridad, ethical medical collaboration, at professionalism para makapaghatid ng lunas at kalinga sa mga pasyente natin."

Dagdag naman ni Dr. Imelda Mateo, presidente ng Philippine College of Physicians, importanteng magkaroon ng "kultura ng integridad, transparency, at ethical practice sa bawat medical professional at mga pharmaceutical company."

Left photo: Tinalakay ni PHAP Board Member at Novartis Healthcare Philippines President Mr. Joel Chong ang kahalagahan ng integridad sa pagbuo ng mga partnership sa sektor ng healthcare. Right photo: Ibinahagi ni Cancer Warriors Foundation, Inc. CEO Ms. Carmen Auste, kung bakit mahalaga ang ethical practice sa pakikipag-ugnayan at pagsuporta sa mga cancer patients.

 Dumalo rin si Professional Regulation Commission (PRC) Chairman Charito Zamora, kasama ang mga kinatawan ng health cluster boards ng PRC, para ipakita ang suporta ng ahensya sa kampanyang ito. "Ang I Stand for Integrity ay panawagan natin sa mga stakeholder, nasa pampubliko o pribadong sektor man," sabi ni Chairman Charito. 

Ibinahagi naman ni Ms. Carmen Auste, ang CEO ng Cancer Warriors Foundation, Inc. (CWFI) na ang "ethical na pakikitungo sa pasyente ay nagsisigurong bawat medikal na desisyon ay para sa kapakanan ng pasyente."

Dagdag pa ni Ms. Carmen, sana'y makita ng mas marami pang doktor na ang kanilang pasyente ay hindi lang problemang kailangan lutasin kundi tingnan sila bilang tao rin. "Sana'y mas intindihin natin ang pangangailangan nila, ang pananaw nila, higit pa sa kung ano ang sakit nila, ang kanilang buhay at mga pangarap, at kung ano ang mga inaasahan nila," pagtatapos ni Ms. Carmen.

Ang malasakit bilang ugat ng integridad 

Dahil sa ipinakitang suporta ng iba't ibang ahensya at organisasyon sa I Stand for Integrity campaign ng PHAP, nadagdagan pa ang pag-asa natin sa ikalalakas pa ng
sektor ng kalusugan sa Pilipinas. 

PHAP team kasama ang kanilang members, distinguished speakers, panelists at guests na sumusuporta sa I Stand for Integrity campaign.

Sinamantala rin ni Ms. Lotis Ramin, presidente ng PHAP Cares Foundation at AstraZeneca PH, ang pagkakataon para ipakilala pa sa mga dumalo ang kanilang samahan. Isa ang PHAP Cares sa mga agad na rumesponde sa mga nasalanta ng Bagyong Carina ilang linggo na ang nakararaan, Sila ay nagpadala ng “tulong at mga gamot sa ilang bayan sa Bulacan, pati na sa Samal, Bataan.”

Bilang journalist, nasasaksihan ko ang mga hamon sa mga komunidad na sinasalanta ng mga sakuna, pati na rin ang kanilang muling pagbangon. Ang PHAP Cares ang isa sa mga foundation na subok na sa paghahatid ng tulong sa ating mga kapwa Pinoy. Sa mga interesadong tumulong, pumunta lang sa website nila sa www.phapcares.org/.

Ang pusong puno ng malasakit at nakalaan sa pagtulong ay ang puno’t dulo ng pagkakaroon ng integridad at paninindigan – nagpapasalamat ako at nariyan ang mga katulad ni Dr. Diana at iba pang mga doktor, lider, at stakeholder na handang maglingkod at itaas pa ang antas ng paglilingkod. Sana’y ang mga darating na henerasyon ng mga doktor ay ma-inspire rin ninyo, at bawat isa’y maging instrumento sa kalinga at pagpapagaling ng ating Panginoon.

------ 
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda InstagramFacebookYouTubeTiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa editorial@jingcastaneda.ph

Show comments