Merong tinatawag sa behavioral economics na “money illusions.” Isa itong klase ng pananaw o paniniwala sa halaga ng isang pera na inaakalang napakalaki pero sa totoong buhay, napakaliit lang kung ikukumpara sa aktuwal na halaga ng mga bilihin, serbisyo at iba pa.
Nagiging pananaw rin ito sa mga dayuhang pera. Lumilikha ng money illusion halimbawa ang mga salaping natatanggap ng isang tao mula sa ibang bansa. Dito sa atin sa Pilipinas, kagalakan sa marami ang makahawak ng dolyar dahil malaki ang kapalit na halaga nito sa sarili nating pera. Maraming piso ang katumbas na halaga ng isang dolyar. Habang isinusulat ito, ang 100 U.S. dollar ay nagiging 5,685 sa Philippine peso; ang 100 British Pound ay 7,311 sa pera natin; ang 100 Canadian dollar ay 4,145; ang 100 Emirati Dirham ay 1,548; at ang 100 Saudi Arabian Riyal ay halagang P1,516; P732 ang 100 Hong Kong dollar. Ang 100 Euro dollar ay 6,273 pesos. Ganoon din naman sa iba pang mga dayuhang pera na karaniwang nagiging mas malaki kapag ipinapalit sa Pilipinas bagaman pana-panahong nagbabago ang halaga ng mga ito.
Pero malaki nga ba? Hanggang saan aabot halimbawa ang limang li-bong piso na naging kapalit ng 100 dollar? Bagaman malaking tulong ito sa sino man, lalo na sa mga pamilya ng mga overseas Filipino worker, sasapat at tatagal ba ito nang isang buwan kung dito lang kukunin at iaasa ang lahat ng pangangailangan tulad ng upa o amortisasyon sa bahay; bayad sa kuryente, tubig, internet, credit card, at mga utang; panggatas sa mga sanggol; matrikula, uniporme, baon at ibang mga pangangailangan ng mga estudyante; pagkain araw-araw; pamasahe sa mga pampublikong sasakyan; gamot, pampaduktor at pampaospital? Mga saligang pangangailangan ang karamihan sa mga ito. Wala pa iyong para mga luho, Netflix, HBO, smartphone, laptop. Desktop computer, panglibangan, pamamasyal, pampalipas-oras, at iba pa. Lalo pang lumiliit ang halaga ng limang libo sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo. Posible namang kunin mula rito ang para sa iniimpok na pera na lalo namang nagpapabawas sa limang libo na hindi kakasya kung dito kukunin ang lahat ng pangangailangan araw-araw sa loob ng isang buwan.
Sabihin na nating 500 o 1,000 dollar ang ipinapadala halimbawa ng isang OFW sa kanyang pamilya sa Pilipinas kada buwan. Halos aabot ito ng 28,519 o 57,060 sa Philippine peso, ayon sa pagkakasunod. Maaaring depende sa mga pangangailangan o gastusin ng kanyang pamilya kung sapat na ba ito o hindi at sa halaga ng mga bilihin at serbisyo sa bansa na madalas ang pagtaas. Magkakaiba naman ang mga naglalabasang estadistika hinggil sa cost of living sa bansa. Noong 2018, sinasabi ng National Economic Development Authority na P42,000 kada buwan ang kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang maayos. Anim na taon na ang nakakaraan. Sa kasalukuyan, may nagsasabing 94,000 0 100,000 ang kailangan ng isang pamilya para mabuhay nang maayos. Pero wala nang bumabanggit na sapat na ang P5,000 o P10,000 sa pangangailangan ng isang pamilya sa loob ng isang buwan.
Sa mga pabago-bagong halaga ng palitan ng mga pera sa mundo, malimit ang mga pagkakataong tumataas o bumababa ang mga ito. Hindi lang naman sa mga OFW nangyayari na tumataas ang halaga ng perang pinapadala nila sa Pilipinas. Nararanasan din ito ng ibang mga lahi na nagtatrabaho sa ibang bansa. Kapag bumababa ang halaga ng peso at tumaas ang halaga ng dolyar, parang nadaragdagan ang suweldo ng isang OFW kapag nagpapadala siya ng pera sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Dito nalilikha ang tinatawag na money illusion. Batay nga sa sinasabi ni Dr. Rommel Sergio na Graduate Studies associate dean ng Canadian University Dubai sa isang ulat ng Khaleej Times, akala mo lang ay tumataas ang iyong sahod kapag pinapadala mo ito sa Pilipinas pero, sa katotohanan, hindi naman tumataas ang purchasing power nito. Tinatalo ito ng mga lumalaking gastusin o ng mga tumataas na halaga ng mga bilihin at serbisyo.Batay rin sa mungkahi ni Sergio, dapat mamulat ang mga OFW at maging ang kanilang pamilya hinggil sa tunay na halaga ng sarili nilang pera at sa epekto ng inflation para makagawa sila ng mas mainam na mga desisyon sa paggamit ng mga kinikita nila sa ibang bansa.
Sa katunayan, maraming OFW ang tumatanggap ng dalawa o tatlo o mahigit pang trabaho para masustentuhan ang pangangailangan nila at ng kanilang pamilya sa Pilipinas. Hindi naman lahat ng OFW ay napakalaki ng kinikita. Meron sa kanila na tumatanggap lang ng minimum na sahod na maaaring lumalaki kapag pinapadala o ginagastos sa Pilipinas pero napakaliit kung gagamitin sa kinaroroonan nilang bansa. Hindi naman Philippine peso ang ginagamit nila kapag meron silang mga binibili o binabayaran doon. Lokal na pera ng kinaroroonan nilang bansa ang kanilang pinanggagastos kaya napakahirap kung napakataas ng cost of living doon na bumabawas nang malaki sa kanilang sinasahod. Matatawag ding ilusyon ang pagpapalagay na mapera ang lahat ng mga OFW. Me-ron mang mga umaasenso sa kanila pero meron din sa kanila na patuloy na naghihikahos sa buhay. Hindi porke nasa abroad ay mapera na.
Kaya nga may mga OFW na gumagawa ng mga sideline o raket o nagnenegosyo para madagdagan ang kanilang kinikita.
Dumaraan sila sa maraming sakripisyo, pagtitiis, pagsisikap, pakikibaka at paghihirap para kitain ang bawat sentimo sa ibang bansa.
Makikita ito sa buhay ng mga OFW na umangat ang katayuan sa buhay, yumaman, nagkaroon ng sariling bahay at lupa at ibang mga karangyaan, naging matagumpay sa kanilang karera o negosyo at natiyak na ang masaganang kinabukasan pero hindi naman ito agad nangyari sa isang iglap. Hindi naman sila nakapulot lang ng ginto at yumaman na sa ibang bansa.
Dumaan sila sa mga pagsubok sa mahabang panahon bago nila ito natamo. Karaniwan kasing hindi makuwento ang mga OFW sa tunay nilang kalagayan sa ibang bansa na nagagawa na lang nilang maibida sa kanilang pamilya kapag nasa gipit na silang kalagayan.
Nakakalungkot nga na may mga OFW na nabibiktima ng mga panloloko, panlilinlang, pagnanakaw, pagsasamantala, pandurugas at pandaraya dahil na rin marahil sa ilusyong mapera sila.
Ilusyon na namumulot lang sila ng ginto sa ibang bansa. Makapal ang bulsa at pitaka.
Tinatabunan ng ilusyong ito ang mga reyalidad ng kanilang tunay na kalagayan sa dayuhang lupain, kung paano sila kumikita ng pera, paano sila nabubuhay sa araw-araw, mga dinadaanan nilang mga sakrpisyo at paghihirap at iba pang mga pasakit.
* * *
Email- rmb2012x@gmail.com