Nakapagtataka na 26,000 na pulis at sundalo ang expired ang lisensiya ng mga baril! Kung sino pa ang “malapit sa kusina” ay sila pa ang may mga expired na lisensiya. Anong nangyayari sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Bakit hinahayaan na hindi ma-renew ang lisensiya ng kanilang mga tauhan? Paano kung may mga pulis at sundalo na magpaputok ng baril at expired pala ang lisensiya? Paano rin kung mag-AWOL ang pulis at sundalo at expired ang lisensiya ng kanilang baril na ginamit sa krimen?
Maraming pulis ngayon ang nasasangkot sa pamamaril. May mga pulis na sa kaunting problema sa trapiko ay binabaril ang nakaalitang motorista. May mga pulis na lasing na nagpapaputok ng baril habang may kasiyahan sa kanilang lugar. At saka matutuklasan na expired pala ang lisensiya.
Ayon sa PNPs Civil Security Group (CSG), nasa 11,800 police officers at 14,400 military personnel ang hindi pa nire-renew ang lisensiya ng kanilang baril o LTOFP na mag-e-expired ngayong Agosto 2024. Ang dahilan umano kaya hindi pa nare-renew ang gun licenses nila ay dahil lagi silang naka-duty. Sabi ng CSG spokesperson na si Lt. Col. Eudisan Gultiano, mahaharap sa administratibong kaso ang PNP personnel kapag hindi ni-renew ang kanilang gun licenses.
Sabi pa ng CGS spokesperson, meron na rin daw inilabas na memorandum si PNP chief General Rommel Marbil na hindi na pinakukuha ang mga aktibong pulis at sundalo ng drug tests ganundin ng psychological at psychiatric exams bilang requirements sa pagkuha ng lisensya ng baril. Kaya wala na raw dahilan para hindi ma-renew ang lisensiya ng baril ng mga pulis. Hindi na kailangang magsumite ng mga nabanggit ang mga pulis para ma-renew ang lisensiya. Sinanay na raw bilang mga responsableng may hawak ng baril ang mga pulis kaya inalis na ang mga nasabing tests bilang requirements.
Ang hindi pagre-require na sumailalim sa drug tests at psychological at psychiatric exams ang police personnel ay nagdagdag sa alalahanin na baka dumami ang mga pulis na “hayok sa gatilyo ng baril”. Kahit pa sabihin ng PNP chief na sinanay daw ang mga pulis sa responsableng paghawak o pagmamay-ari ng baril, hindi pa rin nakatitiyak.
Mas maganda pa rin kung dadaan sa drug tests at psychological at psychiatric exams ang mga pulis. Mas makasisiguro na walang “topak” at hindi basta mamamaril.