Pagnagulat ang isang mister nang makita niya ang kanyang misis na nakikipagtalik sa ibang lalaki at patayin niya ang dalawa o isa sa kanila habang nag se-sex, maaaring hindi siya managot sa pagpatay kung ito ay resulta nang matinding galit. Ito ay ipaliliwanag dito sa kaso ng mag-asawang Leo at Leah.
Kahit matagal nang kasal at may apat na anak, magulo pa rin ang pagsasama ng dalawa. Hindi na sila magkasama sa isang tahanan. Ang pagsasama nila ay nakarating na sa barangay council upang ayusin at ang mga nakakatanda sa kanila sa barangay ay pinayuhan na silang ayusin ang kanilang relasyon.
Isang umaga, mga alas onse sina Leah at ang kapatid niyang si Mely at kaibigang si Tina ay nakaupo sa labas ng bahay ng kapitbahay nilang si Nita. Pinag-uusapan nila ang taniman ng strawberry kung saan sila’y pumitas ng bunga.
Habang nag-uusap, bigla na lang sumulpot si Leo at sinampal si Leah na sinabihan pa na halika at kunin mo ang gusto mo. Pagkaraan ay dinukot ni Leo ang panaksak kaya nagtakbuhan ang mga babae na humihingi ng saklolo. Habang tumatakbo si Mely lumingon siya at nakitang sinaksak ni Leo si Leah ng dalawang beses kaya nahulog ito sa kanal.
Si Rolly na kapatid ni Leah na noon ay pumuputol ng kahoy ay narinig ang mga sigawan. Kaya tumakbo siya papunta kung saan nakatayo si Mely at nakita si Leah ay natumba, duguan at pagulung-gulong samantalang si Leo ay nakatayo mga pitong metro ang layo.
Hinabol ni Rolly si Leo pero ito ay nakatakbo na. Kaya binalikan ni Rolly si Leah at dinala sa ospital ngunit namatay din.
Si Leo naman ay bumalik sa kanilang bahay. Dumating ang mga pulis at natagpuan ng mga ito si Leo sa loob ng banyo na may hawak na panaksak na may mantsa ng dugo. Ginamit niya ito nang saksakin ang kanyang asawa.
May hawak din siyang bote ng lason na wala nang laman. Inaresto ng mga pulis si Leo pero naiwanan ang panaksak sa banyo.
Si Leo ay kinasuhan ng parricide dahil sa pagpatay kay Leah.
Tumestigo ang mga nakasaksi sa lahat ng nangyari. Hindi naman tinanggi ni Leo ang pagpatay sa asawa ngunit sinabing ginawa niya ito dahil nang dumating siya sa bahay noong umaga pagkaraang mamitas ng mga strawberry, natagpuan niya si Leah at isang lalaking nagngangalang Pablo, sa kanilang kuwarto na parang katatapos palang mag-“sex”.
Kaya sa tindi ng galit tumakbo siya sa kanilang kusina upang kunin ang kutsilyo para maipagtanggol daw niya ang kanyang sarili dahil mas malakas si Pablo. Pero pagbalik niya sa kuwarto nakatalon na si Pablo sa bintana.
Hinabol pa rin niya ngunit di na niya inabutan. Kaya bumalik siya sa kanilang bahay upang kumprontahin ang kanyang asawa. Ngunit nagpunta na pala ito kina Naty.
Pinuntahan niya ito roon at tinanong niya kung bakit nakipag-talik sa ibang lalaki. Lalo siyang nagalit kay Leah nang sinabi nito na may balak na ring humiwalay sa kanya. Sinampal niya si Leah at ito ay tumakbo. At nang hinabol niya nagpagulong-gulong sila sa gulod hanggang matagpuan sila ng mga pulis.
Ngunit sabi ng Korte may sala pa rin si Leo ng parricide dahil ang testimonya niya ay di-kapani-paniwala at makasarili lang. Ang desisyong ito ay kinumpirma ng Supreme Court (SC).
Ang pagkamatay ni Leah ay dapat kasunod ng kanyang matinding galit na gumapi at nakadaig sa kanya matapos mahuli niya si Leah na nakikipagtalik sa iba.
Dito sa kaso hindi naman napatunayan na nakikipagtalik si Leah kay Pablo. Mga testigo ng prosekusyon mismo ang nagsabi na pumipitas lang si Leah ng strawberry kasama nila noong buong umaga.
Kaya hindi sapat talaga na paniwalaan ang pakikiapid ni Leah. Ang depensa ni Leo ay di talaga kapani-paniwala.
Ang pagpatay sa asawa na nangaliwa ay makatarungan lang kung ito ay nahuli sa aktong pakikipagtalik sa iba o ang tinatawag na “In flagrante delicto” (People vs Wagas, G.R. 61704, March 8, 1989).