Pulmonya at emphysema

Ang pulmonya ay impeksyon sa baga dulot ng bacteria, virus o fungus. Mas malaki ang panganib kung ang pasyente ay edad 65 pataas, may matagalang karamdaman o mahina ang immune system.

Ang iba pang risk factors sa pagkakaroon ng pulmonya ay ang paninigarilyo, may emphysema (isang sakit sa baga), at exposure sa polusyon sa hangin. Nag-uumpisa ang pul­monya bilang trangkaso o ubo. At kung mahina ang katawan, puwedeng lumipat ang impeksyon sa baga at maging pulmonya.

Ang sintomas ng pulmonya ay lagnat, ubo, hirap sa pag­hinga at panghihina ng katawan. Ngunit hindi lahat ng tao ay magkakaroon ng sintomas. Dahil dito, mas mabuti na magpa-Chest X-ray ang pasyente. Ang Chest X-ray ang tiyakang magsasabi kung ika’y may pulmonya o wala. Ipinasusuri din ng doktor ang plema (sputum test) para matukoy ang mikrobyo ng pulmonya. Makikita sa blood test (CBC test) ang epekto ng impeksyon sa katawan.

May dalawang klase ng pulmonya. Ang isa ay naku­kuha sa komunidad, ang Community Acquired Pneumonia. Ang isa naman ay galing sa ospital, ang Hospital Acquired Pneumonia. Mas seryoso ang mikrobyo na galing sa ospital.

Ang kumplikasyon ng pulmonya ay mas nakikita sa mga may edad, naninigarilyo at may dating sakit sa baga. Posibleng lumipat ang mikrobyo mula sa baga at kumalat ito sa dugo. Sepsis ang tawag dito. Puwede ding magkaroon ng nana (abscess) o tubig sa baga.

Paggamot sa pulmonya:

1. Pag-inom ng antibiotics. Kapag hindi malala ang pul­monya, puwede pa ito makuha sa pag-inom ng anti­bio­tics, tulad ng Co-Amoxiclav 375 mg tablets. Ngunit kung may edad na ang pasyente o matindi ang impeksyon na tumama, kailangang ipasok sa ospital ang pasyente para mabigyan ng antibiotic sa swero.

2. Pag-inom ng gamot sa ubo at lagnat, tulad ng carbo­cisteine capsule at paracetamol tablets.

3. Magpahinga at huwag muna pumasok sa trabaho.

4. Uminom ng 8-10 basong tubig para lumabnaw ang plema at bumaba ang lagnat.

5. Magpatingin at sundin ang lahat ng payo ng doktor.

6. Magpabakuna laban sa pulmonya at trangkaso. Ang pneumonia vaccine ay binibigay bawat 5 taon, at ang flu vaccine ay binibigay kada taon. Ang mga taong edad 60 pataas ang kadalasang binibigyan nito.

* * *

Emphysema

Ang emphysema ay sakit sa baga dahil sa matagal na panahong paninigarilyo. Bukod sa paninigarilyo, ang paglanghap din ng hangin na polluted ang dahilan ng emphysema.

Ang baga ay may mga maliliit na air sacs kung saan pumapasok sa katawan ang oxygen at lumalabas ang carbon dioxide. Dahil sa usok at polusyon, puwedeng masira ang mga air sacs ng baga at mapigilan ang pagpasok ng oxygen sa katawan. Dahil sa sigarilyo, tumitigas ang baga, nag-iipon ang plema at nahihirapan nang huminga ang pasyente.

Wala pang lunas sa emphysema. Kapag nasira na ang baga, hindi na ito maiaayos muli. Hindi naman puwedeng operahan at palitan ang baga.

Sundin ang mga sumusunod na payo upang hindi magka-emphysema:

1. Ihinto ang paninigarilyo. Hindi pa huli ang lahat. Basta itinigil ang paninigarilyo, mapipigilan ang tuluyang pagkasira ng baga.

2. Umiwas sa lugar na may naninigarilyo. Kapag may kasama kang naninigarilyo, para ka na rin nanigarilyo ng 3 sticks sa bawat oras na kasama mo siya.

3. Palakasin ang iyong masel sa dibdib. Mag-ehersisyo gamit ang 1 kilong dumbbell sa bawat kamay. Palakasin ang masel sa leeg, balikat at dibdib para mas makahigop ng hangin.

4. Kumain ng anim na beses sa isang araw pero kaunti lang. Halimbawa, isang saging lang sa meriyenda. Masama kasi ang sobrang busog sa may emphysema dahil naiipit ng tiyan ang iyong baga.

5. Abutin ang tamang timbang. Hindi maganda ang sobrang taba at ang sobrang payat din. Kapag payat ka masyado, mawawalan din ng lakas ang katawan. Kumain ng masustansyang pagkain tulad ng gulay, prutas, isda at manok.

6. Tamang paghinga: Huminga nang malalim ng nakabuka ang bibig. Gamitin ang tiyan sa paghinga.

7. Habaan ang iyong pag-exhale (paglabas ng hangin). Subukang mag-exhale ng nakabilog ang bibig (purse lip breathing). Para bang humihipan ka sa isang straw. Mapipigilan nito ang pagsara ng mga air sacs sa baga.

8. Uminom ng vitamin C at E. Mga anti-oxidants ito at baka makatulong sa masamang epekto ng paninigarilyo.

9. Magsuot nang maluluwag na damit. Magluwag din ng pantalon para hindi mahadlangan ang paghinga.

Show comments