Patung-patong na kaso kay Guo
Tinanggal na ng Ombudsman si Alice Guo bilang mayor ng Bamban, Tarlac. Iniutos na ni Ombudsman Samuel Martires na alisin na si Guo dahil “guilty of grave misconduct” at hindi na niya makukuha ang lahat ng kanyang mga benepisyo sa pagreretiro. Hindi na rin siya makakapasok sa serbisyo ng gobyerno kahit kailan.
Kumilos naman ang kampo ni Guo para umapela sa Ombudsman hinggil sa pagtanggal sa posisyon, bago umapela sa Court of Appeals. Hindi ko maintindihan si Guo at kampo niya. Inaapela ba ang kanyang pagtanggal dahil nais pa rin bumalik bilang mayor?
Kung nais palang bumalik sa pagiging mayor ng Bamban, bakit hindi niya muna harapin ang lahat ng ebidensiyang nakalap na ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na hindi siya ipinanganak na Pilipino, at may ibang pangalan pa? May ibang pagkakilanlan siya na hindi pa niya kinokontra at hindi na nga dumadalo sa Senado. Kung malakas ang kanyang katayuan, bakit siya nagtatago?
Kinasuhan na rin siya ng BIR ng tax evasion sa halagang kalahating milyong piso. Kinasuhan siya dahil sa kanyang mismong pahayag na binenta ang kanyang pag-aari sa ibang korporasyon pero hindi nagbayad ng nararapat na buwis. Patung-patong na ang mga problema ni Guo kaya siguro nagtatago na. Pero lahat iyan ay walang saysay kung hindi siya matatagpuan para humarap sa hustisya.
Ito naman ang hindi ko maintindihan. Marami nang tao na hinihinalang suspek o pangunahing suspek sa krimen ay hindi nababantayan kung magtatago o aalis na ng bansa. Dapat minamanmanan ang kilos ng mga iyan kapag nagiging malinaw na sangkot nga sa krimen. Para hindi na makatago o makaiwas sa gobyerno.
Kadalasan maglalabas ng lookout bulletin o hold departure order pero nakaalis na ng bansa. Ngayon, saan nila hahanapin si Alice Guo o Guo Hua Ping? Baka tinago na rin ng mga POGO.
Natatawa ako ay Guo. Nang unang magtungo sa Senado, malaki ang tiwala niya sa sarili at iginiit na siya ay Pilipino na lumaki sa bukid at nag-aral sa bahay. Pero nang maglabasan na ang mga ebidensiya, lalo na ang fingerprint na may ibang pagkakakilanlan siya, biglang nagtago na! Kailangang matagpuan siya, kung nasa bansa pa.
- Latest