Anyare na sa Miraflores case?
Bawat sentimong dinudugas ng mga kurakot na opisyal ay dagok sa mga Pilipino.
Magagamit ito sa healthcare, edukasyon at imprastruktura. Ngunit bakit may mga nakasampang kasong katiwalian na nalilimutan na? Ibig ko munang bigyang diin na ang sino mang nasasakdal ay presumed innocent until proven guilty pero hindi ibig sabihin ito ay trial by publicity.
Gusto ko lang kumustahin ang kaso ng Miraflores political clan in Aklan na noon pang Enero 6, 2020 naisampa sa Ombudsman.
Nasaan na ang transparency at accountability ng mga opisyal ng bansa? Malaki ang impact ng kasong ito sa buhay ng ordinaryong Pinoy.
Noong 2016, kinasuhan ng Ombudsman ang noon ay Aklan Governor Florencio Tumbocon Miraflores at asawang si dating Ibajay town mayor Ma. Lourdes Miraflores. Hindi sila nagdeklara ng P12.18 million sa kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) mula 2001 hanggang 2009.
Inutos ng Ombudsman noong Enero 2017 ang kanilang dismissal pero nakakuha ng TRO ang mag-asawang Miraflores sa Court of Appeals. Nauwi ito sa pag-dismiss ng Sandiganbayan sa kaso dahil sa “inordinate delay”. Ngunit noong Enero 2020, inayunan ng Korte Suprema na sapat ang mga katibayan para sampahan silang mag-asawa ng kaso.
Kaya ang mag-asawa ay kinasuhan ng four counts ng paglabag sa Section 7 of RA 3019, Section 8 of RA 6713, at three counts for forfeiture of unlawfully acquired properties sa bisa ng RA 1379. Ang problema, wala na tayong nabalitaan pang development kasunod nito.
Dapat mailantad sa publiko ang takbo ng kasong ito para hindi magkaroon ng batik ang ating justice system. Ang Miraflores case ay magsilbi nawang wake up call sa pamahalaan na ingatan ang reputasyon nito lalo na sa paghahatid ng hustisya.
- Latest