Wala nang unity?
NOONG nakaraang Biyernes, sinabi ni Vice President Sara Duterte na “ipakikita niya sa mga opisyal ng gobyerno kung paano mag-utos” tungkol sa mga isyu sa baha matapos magdulot ng mala-Ondoy na pag-ulan ang bagyong Carina sa Metro Manila. Hinikayat din niya ang administrasyon na pondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura na tumutugon sa pagkontrol sa baha.
Tila ang pahiwatig ni Sara ay “mas magaling ako sa inyo”. Hindi siya tumigil doon. Sinabi niya, “Ang mga pinuno ay hindi dapat maging motivated sa pamamagitan ng cash, cocaine o champagne. At hindi raw dapat pinaghahawakan ang baso ng champagne.”
Bagama’t hindi niya binanggit ang sinuman, hindi na kailangan maging henyo para malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nagbitiw si Sara sa gabinete ni President Bongbong Marcos Jr. noong Hunyo habang umiinit ang tensyon sa pagitan ng dalawang pamilyang politikal.
Matatandaang ang kanyang ama na si dating President Rodrigo Duterte at ang kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian Duterte ay binatikos si Marcos Jr. Inakusahang adik at hiniling na bumitaw sa puwesto. Sinundan ito ng panawagan sa Mindanao na humiwalay sa Pilipinas.
Ang mga mambabatas ay tumugon sa mga pahayag ng Vice President na nagsasabing ang nakalipas na administrasyon ay may anim na taon upang pahusayin at ipatupad ang mga proyekto sa pagkontrol sa baha ngunit wala pa ring nagawa. Dapat sinabi niya iyon sa kanyang ama noong Presidente pa.
Sinita rin siya bilang kalihim ng edukasyon para sa ilang mga isyu tulad ng kakulangan sa silid-aralan at pagtaas ng suweldo ng mga guro na hindi nalutas. Maging ang antas ng kasanayan ng mga mag-aaral ay nanatiling isa sa pinakamababa sa ilalim ng kanyang pamumuno. At ngayon ay humihingi siya ng napakaraming pera para sa kanyang tanggapan sa 2025 budget. Makabubuting suriin ng mga mambabatas ang dahilan ng ganoon kalaking halaga.
Ngayong hindi na siya miyembro ng gabinete, nakukuha niyang magbatikos ng administrasyon bagama’t hindi siya itinuturing na oposisyon. Hindi siya dumalo sa huling SONA, at nagkaroon ng lakas ng loob na italaga ang sarili bilang designated survivor. Mukhang tapos na ang unity. Habang ginagawa niya ang lahat ng mga pahayag na ito, ang kanyang pinakabagong net satisfaction rating ay bumaba sa pinakamababang antas nito mula noong 2022.
Inaabangan pa kung paano pa pupunahin ni Sara ang mga diumano’y kabiguan ng administrasyong Marcos. Ang lokal na halalan ay gaganapin sa susunod na taon, at makikita na natin ang dalawang pamilyang pulitikal na naghahanda na para riyan. Kaya hindi ako magtataka kung tuluy-tuloy na ang pagbatikos ni Sara sa administrasyon.
- Latest