SIGURO itatanong nang marami, wala na ba tayong ibang magagawa kundi maghain ng diplomatic protest tuwing gagawa ng kabulastugan sa atin ang China? Talagang wala.
Para tayong batang kinukutusan ng isang bully na mas malaki kaysa atin. Wala tayo kakayahang lumaban kundi umaray sa pangungutos. Kung hindi tayo aaray, iisipin ng nambu-bully na gusto natin ito kaya lalo niya tayong hindi tatantanan.
Ang diplomatic protest ang nagpapahiwatig na tutol tayo sa ginagawang pananaklaw ng China sa ating sariling teritoryo. Diyan ko na lang inuunawa ang pamahalaan imbes na batikusin. Mas masama kung sa kabila ng ginagawa ng China ay tameme tayo at walang kibo.
Takdang magharap muli ng protestang diplomatiko ang pamahalaan sa ginawa ng China kamakailan ng paglipad ng dalawang eroplano nito sa himpapawid na kinaroroonan ng Bajo de Masinloc. Hindi lang iyan ang ginawa ng China kundi tinatangka pang takutin ang sarili nating Hukbong Panghimpapawid.
Ito’y sa pamamagitan ng pagpapakawala ng mga flares na animo’y sinasabing lumabas kayo rito. Sabi ni Defense Secretary Guillermo Teodoro, hindi ito puwedeng palampasin ng pamahalaan. Marahil, magtatawa lang ang iba sa pahayag na ito ng Pinuno ng Tanggulan.
Kasi, ilang ulit na nating pinalampas ang mga pang-aabuso ng China. Pero okay lang ang magpahayag ng galit kahit sa aktuwal ay wala tayong ilalaban. Pasasaan ba at mananaig din ang tama.