NABIBILANG na ang mga sandali nina dating President Digong, Sen. Bato dela Rosa at iba pa dahil unti-unti nang lumuluwag ang pintuan ng pamahalaan ni President Bongbong Marcos Jr. sa pagpasok ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).
Bagamat matindi ang pahayag ni PBBM na hindi niya papapasukin ang mga miyembro ng ICC, nagkaroon nang matinding alinlangan si Digong kaya marami siyang salitang binitiwan kay PBBM kagaya nang nagdodroga raw ito base sa report na ipinarating sa kanya ng isang opisyal ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA). Natatandaan ko, sabi pa nga ni Digong noon, na ihihiwalay niya ang Mindanao sa Pilipinas.
Pero kalmado lamang si PBBM at sa halip harapin ang mga akusasyon sa kanya ni Digong, inatupag niya ang pagpapalakas ng ekonomiya. Kaliwa’t kanan ang pagtungo niya sa ibang bansa at malaking investment at proyekto naman ang kanyang nabibitbit pauwi.
Kahit pinararatangan siya ni Digong na gumagamit ng droga, pinalawak pa ni PBBM ang kampanya laban sa illegal drugs. Mahigpit din ang tagubilin niya kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil na iwasan ang patayan sa pakikipaglaban sa illegal drugs.
Sa madugong drug campaign kasi naging masalimuot ang sitwasyon ni Digong at iba pa. Libu-libo ang pinatay sa drug campaign niya at iyan ang dahilan kaya masigasig ang ICC na makapag-imbestiga sa bansa na ngayon nga ay papasok na.
Samantala, walang tigil ang PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa paghuli sa drug pushers at users. Nakakumpiska ang PDEG ng P90 milyong halaga ng shabu kamakailan. Sana, ma-supervise nang maayos ang operasyon ng PDEG at maiwasan ng mga tauhan nito ang pag-recycle ng droga. Naging kontrobersiya ang PDEG noon dahil sa isang miyembro na si Rodolfo Mayo na nahulihan ng 1-toneladang shabu worth P6.7 bilyon na nakatago sa opisina nito sa Tondo, Maynila.