Hello, Proud Makatizens! Gusto ko lang i-share ang pinakabagong hakbang ng ating lungsod para sa isang better at healthier Makati!
Sinimulan na namin ang pagbibigay ng libreng shingles vaccine sa pamamagitan ng house-to-house visits, para siguraduhin na ligtas at better protected ang ating senior citizens at immunocompromised adults.
Sa Makati, naiintindihan natin na ang kalusugan ay pundasyon ng isang progresibong komunidad. Kaya naman, bilang tanging lungsod sa bansa na nag-aalok ng libreng bakuna kontra shingles, pinatutunayan natin ang ating dedikasyon sa pagbibigay ng pinakamahusay na serbisyong pangkalusugan.
Mula noong Enero, umaabot na sa halos 12,000 residente ang nakapagpre-register para sa Shingrix vaccine, na libreng ipinamamahagi sa mga Yellow Card holder. Ang bakunang ito ay ibinibigay ng dalawang beses.
Layunin naming siguraduhing lahat ay may access sa tamang impormasyon at proteksyon laban sa sakit na ito. Kaya naman, bilang paghahanda sa roll out ng vaccination program, nagsagawa ang ating Makati Health Department (MHD) ng mga community lecture tungkol sa shingles at ang mga paraan ng pag-iwas dito kasama na ang mga pre-registration efforts sa lahat ng barangay.
Ang programang ito ay isang patunay ng ating patuloy na pagsisikap na maghatid ng mas pinabuting serbisyong pangkalusugan. Ang bawat dose ng bakunang ito ay nagkakahalaga ng P8,000 hanggang P10,000, ngunit libre itong ibinibigay sa mga residente at empleyado ng City Hall na may valid Yellow Cards.
Sa ilalim ng aking pamunuan, patuloy nating palalawakin ang mga serbisyong pangkalusugan para sa isang mas malusog at mas maunlad na Makati.
* * *
Isang karangalan para sa akin ang maging Plenary Speaker sa 7th Annual Conference of the Association of Pacific Rim Universities-Sustainable Cities and Landscapes at sa 3rd International Conference on Human Settlements Planning and Development na ginanap sa SMX Convention Center noong Agosto 6.
Sa kumperensyang ito, na dinaluhan ng mga eksperto mula sa iba’t ibang bahagi ng Pacific Rim, ibinida ko ang mga programa ng Makati para maging isang sustainable at technologically-integrated na lungsod. Bilang sentro ng commerce at technology, ang Makati ay patuloy na nag-e-evolve upang maging isang tech-friendly business environment.
Proud ako sa pagsi-share ng ating mga advancements pagdating sa smart technology at Internet of Things (IoT) na ating ina-apply sa iba’t ibang aspeto ng urban management. Mula sa geolocation at monitoring ng mga asset, hanggang sa smart meters para sa enerhiya at tubig, at pagsubaybay sa kalidad ng hangin, ang mga teknolohiyang ito ay nagpapahusay sa pamamahala ng mga mapagkukunan at nagpapabuti sa kalusugan ng kapaligiran.
Sa suporta ninyo, ang Makati ay hindi lamang sumasabay sa mga hamon ng modernong urbanisasyon kundi patuloy ding humuhubog sa isang sustainable, inclusive, at resilient future. Ang ating mga inisyatiba ay patuloy na nagbibigay inspirasyon at pag-asa hindi lamang sa ibang mga lungsod sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo.