Mga tiwaling opisyales, kulaboretor sa China
Dati nang nagiging kulaboretor sa kalaban ang mga lokal na opisyales. Nagkataon lang na ‘yung mga nasa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga ay kasosyo ng Chinese gambling lords. Maaring espiya sila lahat ng Beijing. Nasabat ng pulis sa raids ang mga cyber-sabotage devices, riple, uniporme at bandila ng Chinese army.
Viral ang video tungkol sa Catanduanes. Hinayaan umano ng opisyales na magtayo ang China ng mga ekslusibong puwerto at iba pang pasilidad. Nakaharap ang Catanduanes sa Benham Rise, mayamang karagatan sa silangan ng Luzon na inaasam-asam ng China.
Lantarang maka-Beijing ang opisyales ng Cagayan. Hinayaan nilang mag-enroll ang 460 kunwari’y estudyanteng Chinese. Hindi marunong mag-Ingles o mag-Filipino ang mga ito, edad sundalo 30-35, at nakatira sa gilid ng dalawang kampo militar ng Pilipinas.
Talu-talohan ang pananaw ng mga opisyales ng Zambales. Mina-machinegun ng China coastguards ang mga Zambeleño na nangingisda sa Bajo de Masinloc, 120 milya mula Luzon. Du’n nangangawil ang kanunu-nunoan nila. Pero kibit-balikat lang ang opisyales at nagsasabing wala silang magagawa.
Noon pang 2013 isinuko ng opisyales sa China ang Zambales. Hinayaan ang tatlong minahang Chinese na tibagin ang mga bundok sa bayan ng Sta. Cruz at Masinloc. Kunwari’y small-scale mines na de piko at pala lang. Pero libu-libong dambuhalang excavators, bulldozers, backhoes at dump trucks ang ginamit.
Apat na barkong nickel ore ang dinala sa China kada linggo. Ang nickel ay pinanggawa ng high-tech na sandata at kagamitang pangmamanman. Ginagamit ngayon ang mga ito ng China para agawin ang West Philippine Sea.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest