Isang anim na taong gulang na batang babae sa England na nagngangalang “Khaleesi” ang hindi pinahintulutan na magkaroon ng passport dahil sa pangalan nito!
Nasira ang plano ng isang ina na ipasyal ang pamilya sa Disneyland nang malaman niya na hindi maaaring magkaroon ng pasaporte ang kanyang anak dahil sa binigay niyang pangalan dito.
Sa panayam sa 39-anyos na si Lucy Holloway, nagulat siya nang matanggap niya ang rejection letter mula sa U.K. Passport Office na nagsasabing hindi maaaring maisyuhan ng passport ang kanyang anak na si “Khaleesi” dahil protektado ang pangalan na ito sa ilalim ng trademark law.
Ayon sa UK Passport Office, hindi sila makagagawa ng passport na may pangalang “Khaleesi” dahil naka-trademark ang pangalan na ito sa Hollywood film and entertainment studios na Warner Brothers. Makakapag-issue lamang sila ng passport sa anak ni Lucy kapag nakapagpakita sila ng kasulatan mula sa Warner Brothers na nagbibigay sila ng pahintulot na gamitin ang pangalang “Khaleesi”.
Ang pangalang Khaleesi ay palayaw ni Daenerys Targaryen, isang pangunahing karakter sa sikat na TV show na “Game of Thrones,” na isinulat ni George R. R. Martin.
Ayon kay Lucy, nanlumo siya nang malaman na hindi matutuloy ang kanilang bakasyon sa Disneyland Paris dahil matagal na nila itong naplano at pinag-ipunan. Sa tulong ng isang kakilalang abogado, nagsampa sila ng apela sa U.K. Passport Office na nagsasabing, habang mayroong trademark para sa “Khaleesi”, ito ay para sa mga produkto at serbisyo, hindi para sa pangalan ng isang tao.
Hindi nagpatinag ang U.K. Passport Office at sinabi nito na kailangan pa rin ng kasulatan mula sa Warner Brothers na nagsasaad na nagpapahintulot ang mga ito na ipagamit ang pangalan sa kanyang anak.
Dahil wala nang magawa si Lucy, dumulog na lang siya sa Facebook para humingi ng panawagan sa publiko na kalampagin ang U.K. Passport Office. Nag-viral ang issue na ito at nakatanggap ng pambabatikos mula sa mga netizens ang naturang tanggapan.
Matapos ito, nakatanggap ng sulat si Lucy na mabibigyan na ng passport ang kanyang anak. Humingi ng paumanhin ang U.K. Passport Office at sinabing isang malaking hindi pagkakaunawaan lamang ang nangyari.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin sigurado ang pamilya Holloway kung matutuloy pa ang kanilang trip sa Disneyland dahil tumaas na ang presyo ng flight at accommodation sa Paris simula nang ma-cancel ang kanilang bakasyon.