TINULUNGAN ni Benguet Rep. Eric Go Yap ang mga magsasaka sa kanyang nasasakupan. Binili niya ang 100 toneladang repolyo at iba pang gulay at ipamudmod nang libre sa Metro Manila. Nangamba siya na mabulok ang napakaraming gulay dahil sa pagkasira ng mga kalsada sa Northern Benguet patungo sa mga palengke sa kapatagan.
Maraming magsasaka sa Benguet ang apektado nang pag-ulan kaya kumilos si Yap. Namigay din siya ng pagkain sa vegetable traders na pumila sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center.
Bukod sa ayuda sa mga magsasaka, bumalangkas din siya ng batas para pahintulutan ang Department of Agriculture (DA) na maisaayos ang presyo ng mga gulay na madaling mabulok. Batid niya na ang pagbulusok ng presyo ng mga gulay ay makapipinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Ipinanukala niya ang HB 9889 na magtatalaga sa Bureau of Agriculture and Fisheries Standards ng responsibilidad upang bumuo ng mga pamantayan sa pagtatag ng presyo sa mga mabilis na mabulok na mga gulay. Ito’y magbibigay sa mga magsasaka ng safety nets para hindi malugi ang mga ito.
Sa panukala, kapag nagkaroon ng surplus sa suplay ng gulay, bibilhin ng DA ang mga gulay sa mga magsasaka ayon sa tinakdang farmgate prices upang maiwasang mabulok ang mga ito.
Kung ang suplay naman ng gulay ay sapat, lahat nang ahensya ng pamahalaan ay inaatasang bumili ng gulay sa mga magsasaka para sa kanilang food-related programs. Ngunit kinakailangang irehistro ng mga magsasaka ang kanilang mga madaling mabulok na produkto para sa pagmo-monitor ng presyo at suplay.
Sa panukala, bubuo ng inter-agency council upang ma-monitor ang presyo ng gulay. Uupo bilang chairman ang DA secretary kasama ang secretaries ng DTI, DILG at NEDA.
* * *
Para sa komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com