Kahapon, isang bodega ang nasunog sa Balut, Tondo, Maynila. Nahirapang apulain ang sunog at maraming bumbero ang nalapnos ang balat at kailangang dalhin sa ospital. Ang sunog kahapon ang ikalimang sunog mula nang pumasok ang Agosto. Hindi fire prevention month ang Agosto pero hinigitan pa ang Marso sa dami nangyaring sunog at malalagim pa.
Noong Agosto 1, isang lalaking may kapansanan ang namatay nang makulong sa nasusunog na bahay sa Paco, Maynila. Natagpuan ang bangkay ng PWD sa ikalawang palapag ng apartment sa 1441 Merced St., Barangay 681, Paco.
Noong Agosto 2, labing-isa katao ang namatay sa sunog na tumupok sa isang gusali sa Binondo, Maynila. Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 7:20 ng umaga sa canteen na nasa ground floor ng residential-commercial building sa Carvajal St,. sa Binondo. Ayon sa BFP, nagsimula ang sunog sa nag-leak na tangke ng liquified petroleum gas (LPG) ng canteen. Nakulong ang mga biktima sa ikalawang palapag ng gusali. Hindi nakalabas dahil sa kapal ng usok na kanilang ikinamatay.
Noong Agosto 5, dalawang volunteer firefighters ang sugatan habang nasa 110 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na naganap sa Matimyas St. Sampaloc, Maynila. Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 10:25 ng umaga nang masunog ang ikatlong palapag ng isang bahay at kumalat sa mga kabahayan sa lugar.
Noong Agosto 8, isang 69-anyos na lolo na may Alzheimer’s disease ang nakulong sa bahay na nasusunog sa Sampaloc, Maynila. Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang dalawang palapag na bahay sa G. Tuazon St.
Marami nang malalagim na sunog ang naganap at marami nang namatay. Ang pagpapaalala ng BFP sa mamamayan ay nararapat na maging regular. Magkaroon ng kampanya na laging mag-ingat sa sunog.
Magkaroon din naman ng kampanya ang mga lokal na pamahalaan na mag-inspeksiyon sa mga gusali na karamihan ay fire trap dahil walang fire exit at mga kagamitan para pampatay sa sunog.
Ang paghihigpit ay naipatutupad lamang ng lokal na pamahalaan kapag marami na ang natupok at hindi na makilala.