Mukhang hindi nagkakasundo ang ilang ahensiya ng gobyerno hinggil sa “tulog” na P90 bilyon ng PhilHealth. Ang nais ng Department of Finance ay ibalik ang hindi gamit na pondo sa kaban ng gobyerno para magamit sa mga proyekto. Baka sa Maharlika Fund pa nga. Ayon kay PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr., baka puwedeng bawasan ang ibinabayad ng PhilHealth members. Ibibigay daw kaagad kay Pres. Bongbong Marcos Jr. ang rekomendasyon.
Pero umalma si Health Sec. Ted Herbosa. Wala raw batas na nagsasabi kung paano magagawa ang pagbawas ng ibinabayad sa PhilHealth. Kailan nga lang ay itinaas ng PhilHealth ang kontribusyon ng mga miyembro mula 4 percent-5 percent. Si Herbosa pa nga ang umalma sa pagtaas ng kontribusyon noon. Ilang senador din ang umalma sa paglipat ng pondo.
Hindi ko nga maintindihan kung bakit ang pangulo pa mismo ng PhilHealth ang handang ipamigay ang naipon na pondo sa ibang proyekto ng gobyerno, kung hindi naman napakaganda ng estado ng kalusugan ng bansa. Maraming magagawa ang P90 bilyon. Maraming miyembro ang makikinabang kung sa kanila gagamitin ang pera. Maganda at itinaas na ng PhilHealth ang natatanggap ng mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis. Malaking tulong iyan. Pero maraming may sakit na puwedeng makinabang din sa pondo.
Mga may cancer na kailangan ng chemotherapy. Mga may diabetes na kailangan ng insulin. Mga may sakit sa puso, iba kailangan pa ng operasyon. Marami pang mababanggit na kondisyon kung saan puwedeng itaas ng PhilHealth ang tulong. Tandaan na ang mandato ng PhilHealth ay magbigay ng universal health coverage para sa lahat ng Pilipino. Sa tingin n’yo naipatutupad na iyan sa lahat ng Pilipino?
Maaaring tulungan ng PhilHealth ang mga ospital ng gobyerno na nangangailangan ng kagamitan. Napakarami niyan. Sa madaling salita, kung may P90 bilyon pala ang PhilHealth na “tulog”, gamitin para sa benepisyong kalusugan. Huwag ilipat kung saan-saan. Hindi ba’t may pondo sa budget na ang gobyerno para sa mga proyekto nito? Bakit sa PhilHealth kukunin? At kung may ganyang pondong “tulog” ang PhilHealth, hindi na dapat nahuhuli sa pagbayad sa mga ospital, doktor, dialysis center, at kung saan pa, hindi ba?