Isang beauty pageant sa Brazil ang nauwi sa trahedya matapos mamaril ang ama ng isa sa mga kandidata dahil hindi nito matanggap na nasa ikaapat na puwesto lang ang kanyang anak!
Naganap ang insidente sa coronation night ng Il Baile da Escolha da Rainha pageant noong Hulyo 28 sa Altamira, Brazil. Dalawang oras pagkatapos ng pageant, kinausap ng suspek na si Sebastiao Francisco ang mga hurado ng pageant.
Kinuwestiyon nito ang desisyon ng mga hurado at ang evaluation criteria ng patimpalak. Sa panayam sa mga witness, nakita ng mga ito na ipinagpipilitan ni Francisco na imposibleng matalo ang kanyang anak dahil “sure winner” ito. Ayon pa rito, ang iginawad na 4th place ng mga hurado ay isang uri ng pagpapahiya sa kanyang anak.
Upang matigil na ang paghuhuramentado ni Francisco, ipinatawag na ang mga military police na naatasang maging security ng event. Doon ibinunton ni Francisco ang kanyang galit at nakipag-away na ito sa isa sa mga security personnel.
Inilabas nito ang kanyang revolver at nagpaputok ng dalawang beses at muntik nang tamaan ang nakaaway na security. Hindi maawat, pinaputukan ni Francisco ang iba pang security personnel.
Ayon sa mga awtoridad, wala nang choice ang mga security kundi barilin ang nagwawalang si Francisco. Ginawa nila ito para wala nang inosenteng tao sa venue na madamay sa pamamaril ni Francisco.
Bumulagta si Francisco makaraan barilin ng mga sekyu. Dinala ito sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan kung paano nakapasok sa event si Francisco na may dalang baril. Bukod dito, nagsasagawa rin ng imbestigasyon kung bakit hindi napahinahon ng security personnel si Francisco at naiwasan ang pagkamatay nito. Sa social media, nagpahayag ng pagdadalamhati ang anak ni Francisco na si Bianca Matos. Ayon kay Bianca, hindi siya makapaniwala na wala na ang kanyang ama na itinuturing niya isang “warrior”.