Maraming beses nang ipinagpaliban ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) kaya sa pagkakataong ito, hindi na dapat ipagpaliban. Sinimulan ang PUVMP noon pang 2016 pero hanggang ngayon hindi pa natutuloy dahil sa pagsalungat ng ilang transport groups. Maraming sinasabing dahilan ang mga sumasalungat kabilang na ang makikinabang lamang daw ay ang mga banyagang kompanya na gumagawa ng sasakyan. Masyado raw mahal ang unit ng mga imported na sasakyan. Isa pang dahilan ay magmamahal daw ang pasahe kapag ang kooperatiba na ang mamamahala.
Bukod sa ilang transport groups, kumampi na rin ang 22 senador sa mga sumasalungat at hiniling sa pamahalaan na suspindihin ang PUVMP. Ayon kay Senate President Chiz Escudero, hindi raw nakunsulta ang maraming sector. Dapat daw munang pag-aralan ang PUVMP.
Pero sabi ni President Ferdinand Marcos Jr., wala nang makapipigil sa implementasyon ng PUVMP. Wala rin daw katotohanan ang sinabi ng mga senador na minadali ang PUVMP. Sa katunayan, pitong beses na itong pinagpaliban dahil sa pagtutol ng ilang transport group. Marami umano ang sumusuporta sa PUVMP at katunayan, 80 percent ng transport groups ang nakapag-consolidate na. Nakasunod na umano sila sa mga requirements. Ang masusunod umano rito ay ang nakararami kaya walang dahilan para hindi ipagpatuloy ang PUVMP.
Natapos ang deadline ng PUVMP noong Abril 30, 2024 at sinabi ng pamahalaan na wala nang extension. Ang lahat nang hindi makakapag-consolidate makaraan ang Abril 30 ay ituturing nang kolorum at huhulihin.
Sa ilalim ng PUVMP, dapat mag-consolidate at maging miyembro ng mga kooperatiba ang mga jeepney driver at operator. Ayon sa Deparment of Transportation (DOTr), ang mga jeepney operator na hindi nakapag-consolidate ay maaaring lumipat sa consolidated cooperatives.
Pero sa halip na mag-consolidate ang 20 percent na jeepney operators, minabuti nilang magtigil pasada na ginatungan ng ilang transport group. Kahapon, muling nagbanta ang grupong Manibela na magsasagawa sila ng malawakang tigil pasada sa susunod na linggo. Noong Lunes, nagtigil pasada na sila pero wala namang epekto dahil marami na nga ang naka-consolidate.
Ituloy ang PUVMP. Dapat maisakatuparan ang modernisasyon at nang matikman din ang malinis na hangin na matagal pinarumi ng mga bulok na jeepneys.