Pamemeke, pagbulaan ni Mayor Alice Guo
Nameke ng public documents si Guo Hua Ping alyas Alice Guo. Nagsinungaling din siya sa mga papeles na ‘yon.
Anim na buwan hanggang anim na taon lang ang parusa sa mga krimen na falsification of public documents at perjury. Pero dahil paulit-ulit niya ito ginawa, hindi na siya lalabas ng kulungan, ani Dr. Winston Casio, spokesman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Chinese national si Guo, batay sa kanyang alien investor visa. Sa pagpanggap niyang Pilipino, niloko niya ang Bamban municipal registry at Philippine Statistics Authority nu’ng 2005, Comelec nu’ng 2021, at ang Senado sa ginagawang pagdinig.
Sa pag-import ng isang dosenang sports cars malamang niloko niya rin ang Customs at Land Transport Office. Sa pagbili ng helicopter-taxi nilansi ang Civil Aviation Authority at Civil Aeronautics Board.
Iba pang mga ginoyo: sa pag-file ng income taxes, BIR. Sa pagpeke ng taunang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth, ang Ombudsman. Sa malimit na biyahe abroad, ang Bureaus of Immigration at Quarantine. Para sa clearances ang PNP at Bureau of Fire Prevention.
Sa pagrehistro ng negosyo, ang DTI at Bureau of Domestic Trade. Sa pagbili at benta ng lupa, ang Land Registration Authority. Sa paggamit ng lupa, DENR at Environment Management Bureau.
Sa pagrehistro ng Baofu gaming, ang PAGCOR. Sa libu-libong SIMs, text-blasters at cell towers, ang National Telecoms Commission. Pati Malacañang binola niya sa liham kay Executive Sec. Lucas Bersamin para igiit ang pagka-Pilipino kuno.
Pinakamabilis matatapos ang dalawang quo warranto cases ng Office of the Solicitor General. Pinakakansela sa korte ang pekeng birth certificate ni Guo at ang paghalal sa kanya bilang mayor. Mali kung i-deport siya sa China; parang pinakawalan ang pagong sa dagat.
- Latest