Dapat magpasalamat ang National Telecommunications Commission (NTC) sa mga ginawang pagsalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at ganundin sa ginawang pag-ban ni President Ferdinand Marcos Jr. dito noong nakaraang buwan. Inihayag ni Marcos Jr. ang pagbabawal sa lahat ng POGOs sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA). Sinabi ng Presidente na dapat nang matigil ang masasamang gawain na dinudulot ng POGO sa bansa. Inatasan niya ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na bago matapos ang 2024, wala nang POGOs sa bansa.
Ang pagbabawal sa POGO at ang sunud-sunod na pagsalakay ng PAOCC ay naging pabor sa NTC. Sila ang nakinabang sapagkat mula nang ihayag ng Presidente ang pagbabawal sa POGOs, nabawasan ang mga nagpapadala ng mga scam na text messages. Dati, nagbabaga at nag-iinit ang mga cell phone sa dami ng mga scam text messages na natatanggap ng subscribers. Kabi-kabila ang mga natatanggap na scam sa pamamagitan ng text. Bukod dito, kapag binuksan ng subscriber ang pinadalang link, mahahalungkat na ang kanyang mga mahahalagang impormasyon.
Sa mga ginawang pagsalakay ng PAOCC sa mga POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, natambad ang maraming cell phones at gadgets na ginagamit ng mga Chinese para makapang-scam. Animo’y may pabrika ng cell phones sa mga sinalakay na POGO hubs.
Pinakamarami ang nakumpiskang cell phones at SIM cards sa Porac. Nagpapatunay lamang na talamak ang mga nangyayaring online scam, investment scam at cryptocurrency scam gamit ang SIM cards. Nagsasagawa pa nang malawakang pagsalakay ang PAOCC sa mga hinihinalang POGO hubs sa Pasay City, Parañaque City at sa Pampanga.
Ang pamamayagpag ng illegal POGOs sa malawakang panloloko gamit ang SIM cards ay nagpapatunay lamang na naging inutil ang NTC sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11934 (SIM Card Registration Act). Ipinatupad ang batas noong Oktubre 10, 2022. Pero sa halip na mapigilan ang mga scam gamit ang telepono, lalo pang lumubha at maraming nalinlang at naloko. Sinamantala ng illegal POGOs ang pagrerelaks ng NTC. Walang patumangga ang ginawa ng scammers para makalansi ng mamamayan.
Dapat magpasalamat ang NTC sa PAOCC at ganundin sa Presidente sa pagpapatigil sa POGOs. Wala nang gagawin ang NTC sapagkat naresolba na ang dapat sana ay sila ang gumawa. Hindi naisakatuparan ng NTC ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11934 na nagbunga sa maraming problema sa bansa.