Pakikipagsapalaran nina Rody, Sara, Paolo, Sebastian

Pinabulaanan ni Tatay Digong ang pahayag ni VP Sara Duterte – na kakandidatong senador sina Digong at mga kapatid na Paolo at Sebastian sa Halalan 2025. Hindi ba nag-uusap ang pamilyang ito? Mahirap kumandidatong sabay-sabay ang magkakapamilya.

Huling tinangka ‘yon ng mga Garcia ng Cebu nu’ng Halalan 2013. Inasinta ng ama na Pablo Garcia at anak na Pablo John mare-elect sa Kamara de Representantes. Kumandidato rin si anak na Gwendolyn Garcia. Talo ang dalawang nauna; si Gwen lang ang nakalusot.

Sa senado hanggang dalawang mag-anak lang ang sabay nauupo. Halimbawa sina Loi Ejercito at Jinggoy Estrada noon. Ngayon sabay nahalal sina Jinggoy at half-bro­ther na si JV Ejercito. Magkaibang taon hinalal pero sabay sa senado ang magkapatid na Pia at Allan Cayetano, at mag-inang Cynthia at Mark Villar.

Malaking magagasta sa sabay-sabay na kandidatura nina Rodrigo, Paolo at Sebastian. Pambansa ang paghalal sa senador, kaya dapat kumampanya ang tatlo sa buong kapuluan: 82 probinsya at 149 na lungsod sa loob ng 90 araw. Pahirap sa katawan ng matanda at maysakit.

Aasa ang tatlong Duterte sa kasikatan nina Rodrigo at Sara. Silang dalawa lang ang may karanasang mahalal­ sa pambansa. Sina Paolo at Sebastian ay hanggang kongre­sista at mayor lang ng Davao City.

Tiyak babanatan sila ng Marcos Admin at malawak na Oposisyon. Apat na mabibigat na isyu ang ipupukol sa kanila. Una, pagiging maka-China. Ikalawa, patayan kontra droga. Ikatlo, katiwalian. Ikaapat, abusong political dynas­tism.

Pero tila kapit-patalim ang mga Duterte. Tinutugis ng International Criminal Court sina Rodrigo at Sara. Inungkat na ang P11-bilyong pork barrel ni Paolo bilang kongresista nu’ng 2019-2022. Kinikilatis ang record sa serbisyo publiko ni Sebastian, na sabi ni Sara ay tatakbong Presidente sa Halalan 2028.

Selfie ni VP Sara kasama sina Rep. Paolo, mayor Sebastian, at dating pangulong Rody Duterte .
PTV photo mula sa Newsdesk.asia

 

Show comments