^

PSN Opinyon

Sa Israel: Kabayanihan ng Pinay caregiver isinalibro

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Marami nang naglabasang ulat hinggil sa 31 anyos na Filipina caregiver na si Camille Jesalva na nagligtas sa buhay ng amo niyang 95 na anyos na matandang babae sa Israel nang atakihin ng militanteng Hamas ang naturang bansa mula noong Oktubre 7, 2023.  Kumalat sa social media ang kanyang kuwento.

Sa halip na iligtas ang sarili, patuloy na sinamahan ni Camille ang amo niyang si Nitza Hefer sa loob ng bomb shelter habang binobomba ng mga Hamas ang maraming lugar sa Israel kabilang ang Kibbutz Nirim na kinaroroonan nina Camille. Nang mapasok sila ng mga militanteng Hamas, inialok niya sa mga ito ang sarili niyang perang nagkakahalaga ng 370 dollar at cellphone para lang huwag nilang saktan ang kanyang amo. Ipapadala sana niya ang perang iyon sa kanyang pamilya sa Pilipinas pero hinayaan na niyang makuha ito ng mga Hamas para sa kaligtasan ng matanda niyang alaga. Kahit makaraang mailigtas sila ng militar na Israeli, hindi iniwanan ni Camille ang alaga niyang matanda. Kinansela niya ang biyahe niya pauwi sa Pilipinas para makasama ito. Napabalita sa Israel at sa Pilipinas at maging sa buong mundo ang kanyang kabayanihan, matalas na pag-iisip at pagmamalasakit sa kanyang alaga. Itinuring siyang bayani ng mga Israeli. Limang taon na siyang nasa Israel nang maganap ang pananalakay ng Hamas noong nakaraang taon. 

Nabatid na nagmula sa Nueva Ecija ang single mother na si Camille na naunang nagtrabaho sa United Arab Emirates bago siya naging caregiver sa Israel. Kinilala ng pamahalaan at ng mamamamayan ng Israel ang ipinamalas niyang katapangan at kabayanihan sa gitna ng kaguluhan nang panahong iyon.

Kung tutuusin, hindi lang si Camille ang dayuhang manggagawang naipit sa giyera ng Israel at ng mga Palestinong Hamas. Ilang overseas Filipino worker ang namatay, nasugatan o naging hostage ng mga Hamas mula nang maganap ang atake ng mga ito  noong Oktubre 7, 2023.  Ang bangkay ng ilang namatay na caregiver na Filipino ay nakitang kasama pa ang nasawi rin nilang mga alaga. 

Pauwi na sana si Camille sa Pilipinas nang maganap ang pananalakay ng mga militanteng Hamas. At habang nagaganap ang mga bombahan, nagpadala siya ng mensahe sa kanyang ina na padalhan siya ng litrato ng kanyang anak para ito ang huli niyang makita bago siya mamatay sa mga sandaling iyon.  

Halos ilang buwang napapasama ang pangalan ni Camille sa mga ulat hinggil sa giyera ng Israel at Hamas. Hindi matapos-tapos ang mga parangal at papuri na natatanggap niya. Sa katunayan, ang kanyang karanasan ay isinama sa bagong labas na librong pinamagatan sa Ingles na “One Day in October: Forty Heroes, Forty Stories” na naglalahad sa mga kuwento ng 40 ordinaryong tao at ang kanilang kabayanihan mula noong Oktubre 7, 2023.  Halimbawa sila ng pinakamataas na antas ng katapangan. “Sa gitna ng mga hamon at pangamba, naibahagi nila ang ibang kuwento ng pag-asa at pagmamalasakit,” paglalarawan sa libro. Ipinapakilala ng ‘One Day in October’ ang apatnapung tunay na bayani na ang mga ikinilos ay natambad sa loob lang ng isang araw. 

Kaugnay nito, pinarangalan at pinapurihan ni Israel President Isaac Herzog si Camille noong Hulyo 16, 2024 dahil sa pagliligtas niya kay Hefetz. Naganap ang parangal sa isang pagtitipon sa President’s House kaugnay ng nabanggit na aklat. Hinarap at kinausap ni Herzog si Camille at ang mga awtor ng naturang libro na sina Yair Agmon and Oriya Mevorach. 

Sa kanilang pag-uusap, ayon sa isang social media post, sinabi ni Camille kay President Herzog na isa siyang Pilipino at ipinagmamalaki niya ang pagiging Pilipino. 

Para sa ilang Israeli, isang anghel si Camille dahil ibinigay niya ang naipon niyang $350 (katumbas ng tinatayang P19,881.92 sa panahong iyon) sa mga militanteng Hamas na pumasok sa kanilang bahay para lang makaligtas silang buhay.

Sinasabi ni Camille na kung ano man ang pagkatao niya nang mga sandaling iyon, ito ay dahil kay Nitza. Ang kanyang pasyente ang pinakadakila niyang guro. “Ayoko pa talaga siyang makitang mamatay. Siya ‘yung dahilan na nasusuportahan ko ‘yung anak ko bilang single mom,” sabi niya sa isang panayam. “Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung namatay siya dahil iniwan ko.”

Inamin ni Camille na akala niya ay huling sandali na niya nang araw na atakihin ng Hamas ang Israel. Narinig na nila ang bomb warnings kaya nagtungo na si Camille sa bomb shelter ng bahay kasama ang inaalagaang si Nitza Hefetz.  Pero sira ang lock ng bomb shelter.  Narinig ni Camille ang pagsira ng ilang miyembro ng Hamas sa main door ng kanilang bahay pati pagpasok nila.

Inihanda na raw ni Camille ang sarili sa mga posibleng mangyari.

Mas lalong natakot si Camille nang pumasok na sa bomb shelter ang terorista at ginigising daw ang matandang inaalagaan ni Camille.

“Yung lalaki galit na. ‘Yung mukha niya nagagalit. Sabi ko, ‘Sir, please, I’m sorry she’s old. She don’t know what she’s doing. Please be patient.”

Kumalma raw ang lalaki sa sinabing ito ni Camille. Inalok ni Camille ang natitirang pera na dapat sana ay ipadadala niya sa Pilipinas. Ipinakita pa niya ang kanyang wallet sa terorista.

Pero pakiusap ni Camille, “But not my cards and my passport, because I need it.”     Nang wala na raw makuha ang tauhan ng Hamas ay umalis na ito. Pagkalipas ng isang oras, dumating ang Israeli soldiers at inilabas sina Camille sa bahay.

Sabi ni Camille, “Andaming barilan, andaming rockets sa paligid namin. Natumba kami, nadapa kami. I feel safe na ‘yung Diyos… may nagga-guide sa aming dalawa [ng inaalagaan ko]. May nagga-guide po talaga sa amin na kakaiba. ‘Yun na po ang naisip ko. Hindi ko talaga akalain na mabubuhay pa ako.”

* * * * * * * * * * * *

Email- [email protected]

OFW

WORKER

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with