Isang lalaki sa Hanoi, Vietnam ang kinailangang sumailalim sa emergency operation dahil mayroon itong buhay na igat sa kanyang sikmura!
Noong Hulyo 27, isang hindi pinangalanang Indian national ang dinala sa emergency room ng Viet Duc Hospital sa Hanoi dahil sa matinding pananakit ng tiyan. Sinabi nito sa hospital staff na may buhay na igat sa loob ng kanyang tiyan dahil nakapasok ito sa kanyang puwit.
Dahil ito ang unang beses na maka-encounter ng ganitong kaso ang mga staff at doktor ng naturang ospital, hindi agad sila makapaniwala sa sinabi nito.
Ngunit nang ipina-x-ray imaging at ultrasound ang pasyente, nakakita sila ng isang horizontal radiopaque skeleton sa abdominal cavity nito. Saka nila nakumpirma na may buhay na igat nga sa loob ng tiyan ng lalaki.
Agad bumuo ang ospital ng isang team ng endoscopy at anesthesiologist para magsagawa ang mga ito ng colonoscopy at tanggalin ang igat sa sikmura ng pasyente.
Ang una nilang plano ay tanggalin ito mula sa pinagpasukan nito, ang puwit ng pasyente. Pero hindi nila ito makuha sa paraan na ito dahil sobrang dulas ng igat. Ipinasya na nilang operahan sa tiyan ang lalaki.
Naging matagumpay ang operasyon at nakuha ng mga doktor ang igat na may habang 25 pulgada.
Ayon sa mga doktor, nakarating ang igat sa sikmura matapos kagatin ang rectum at colon ng pasyente. May kakayahan na maka-survive ang mga igat sa anaerobic environment o lugar na kaunti ang oxygen. Kaya rin ng mga ito na kagatin at butasin ang gastrointestinal tract.
Bukod sa igat, may nakuha rin na isang buong dayap sa rectum ng pasyente. Nang makuha ang lahat ng foreign object sa loob ng katawan ng pasyente, tinahi ang kagat sa colon nito. Matapos ang operasyon, nanatili ng ilang araw ang pasyente sa ospital para maka-recover.
Nang tanungin ang lalaki kung paano nakapasok sa kanyang puwit ang igat, tumanggi na itong magsalita.